ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1 sundalo, 1 rebelde, patay sa bakbakan ng militar at natitirang MNLF sa Zambo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa gitna ng clearing operation ng gobyerno sa Zamboanga City, nagkaroon muli ng bakbakan sa pagitan ng tropa ng militar at ng mga natitirang mga tagasunod ni Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari noong Lunes ng hapon.

Naengkwentro ng mga miyembro ng Alpha Company, 44th Infantry Battalion ng Philippine Army ang mga tagasunod ni Misuari sa Barangay Sta. Barbara bandang 2:30 ng hapon ng Lunes, ayon kay Captain Jefferson Somera, tagapagsalita ng 1st Infantry Division ng Army.

Isang sundalo, na kinilala bilang si Corporal Hakim Jaafar, at isang rebelde ang napatay sa bakbakan, na nagwakas bandang 3 ng hapon, ani Somera.

Dagdag niya, narekober ang M4 at M14 na mga riple mula sa mga rebelde.

Samantala, napatay, nahuli, o sumuko na umano ang apat sa limang komander na umano'y namuno sa mahigit-kumulang 200 miyembro ng MNLF sa pag-atake nito sa Zamboanga City, inihayag ni public affairs chief Lt. Col. Ramon Zagala sa isang press briefing nitong Lunes.

Dagdag niya, si Habier Malik na lamang ang komander na pinaghahanap.

Inatake ng mga tagasunod ni Misuari ang tropa ng gobyerno sa ilang lugar sa Zamboanga City simula noong Setyembre 9, kung kailan binihag rin nila ang ilang mga sibilyan. Mahigit 100 katao—karamihan mga rebeldeng MNLF—ang napatay sa bakbakan, na nakaapekto sa operasyon ng mga negosyo at paaralan sa lugar.

Noong Sabado, idineklara ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na nagwakas na ang krisis, ngunit patuloy pa rin ang clearing operations upang masigurong walang mga rebeldeng MNLF ang maiiwan sa lungsod. — Amanda Fernandez/BM, GMA News