Pasya sa pagpapatawag kay Napoles, ipauubaya ni Drilon sa buong Senado
Ipauubaya ni Senate President Franklin Drilon sa buong miyembo ng Senado ang desisyon kung dapat bang ipatawag sa imbestigasyon ng kapulungan tungkol sa "pork barrel" scandal ang kontrobersiyal na negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni Drilon na magpapatawag siya ng caucus sa ika-14 ng Oktubre sa pagbabalik ng sesyon ng Senado.
"In view of the response of Ombudsman Conchita Carpio Morales, I will submit the issue whether to issue a subpoena to Napoles to the decision and judgment of the senators," ayon sa lider ng Senado.
Nitong Lunes, muling pinayuhan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales si Drilon na ipagpaliban ang pagpapatawag kay Napoles sa pagdinig ng Senate blue ribbon committee tungkol sa P10-bilyong anomalya umano sa paggamit ng mga mambabatas ng kanilang priority development assistance funds (PDAF) na kilala rin sa tawag na pork barrel funds.
Sa kanyang liham kay Drilon, inihayag ni Morales ang pag-asam na iiral ang “collective wisdom” ng Senado na kakatigan ang pakiusap ng Ombudsman habang nakabinbin ang kasong pandarambong o plunder laban kay Napoles.
Dalawang beses nang humingi ng opinyon si Drilon sa Ombudsman kung maaaring bang ipa-subpoena si Napoles, na sinasabing nasa likod din ng pagbuo ng mga pekeng non-governmental organizations (NGOs) na sinasabing dinaanan ng PDAF ng mga mambabatas.
Una rito, iginiit ni Senador Teofisto Guingona III, chairman ng blue ribbon committee, ang kapangyarihan ng kapulungan na ipatawag si Napoles kahit na may nakabinbing kaso sa Ombudsman.
Sa kasalukuyan, nakakulong pa rin si Napoles sa Fort Sto. Domingo sa Sta. Rosa, Laguna kaugnay sa kasong serious illegal detention.
Bukod kay Napoles, kasama rin si Senador Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile at Bong Revilla Jr., sa mga kinasuhan ng pandarambong kaugnay sa P10-bilyong pork barrel na napunta umano sa mga NGO ni Napoles.
Sa kabila nito, kampante si Drilon na karamihan ng mga senador ay hindi papayag na ipatawag si Napoles sa Senado.
"I am confident that majority of the senators understand and will support my decision not to issue a subpoena to Napoles 'at this time' in deference to the recommendation of the Ombudsman which is now investigating the case," aniya.
Mahalaga umano, ayon kay Drilon, na matapos at makompleto ng Ombudsman ang isinasagawang fact-finding evaluation sa kaso ni Napoles.
“What is at stake here is the ability of the Office of the Ombudsman to prosecute the PDAF [Priority Development Assistance Fund] misuse cases against the Napoles with dispatch and without delay. This is the principal goal of our justice system,” dagdag pa nito.
Sa kasalukuyan, pitong senador na ang nagpahayag ng pagsuporta kay Drilon na hindi muna dapat ipa-subpoena si Napoles. Kabilang dito sina Senators Bam Aquino, Juan Edgardo Angara, Ralph Recto at Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr.
Para naman kina Senador Aquilino Pimentel III at Gregorio Honasan II, dapat umanong hayaan na si Drilon na lamang ang magpasya kung ipatatawag si Napoles o hindi.
Tinawag namang “useless” ni Senador Sergio Osmeña ang pagpapatawag kay Napoles sa Senado dahil maaaring gamitin ni Napoles ang kanyang karapatan na hindi magsalita at gamiting dahilan ang “right against self-incrimination” dahil sa kinakaharap na kaso.
Apat na senador na rin ang nagpahayag ng pagtutol sa posisyon ni Drilon. Sila ay sina Senador Guingona, Francis Escudero, Joseph Victor Ejercito at Grace Poe.
Ayon sa apat na senador, maaaring ipatawag ng Senado si Napoles dahil mahalaga ang kanyang mga magiging pahayag sa imbestigasyon.
Wala pa namang pinapanigang posisyon sina Senador Nancy Binay at Vicente "Tito" Sotto III, na parehong miyembro ng minorya sa kapulungan. -- RDinglasan/MFernandez/FRJ, GMA News