Roxas, dapat na nga bang iurong ang protestang isinampa laban kay VP Binay?
Hinikayat ng isang party-list representative si Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas na iurong na ang electoral protest na isinampa laban sa pagkapanalo ni Vice Presidente Jejomar Binay noong nakaraang 2010 presidential elections.
Ayon kay Abakada party-list Rep. Jonathan dela Cruz, malaki ang matitipid ng gobyerno sa pondong inilalagay sa Presidential Electoral Tribunal (PET) kung iuurong na ni Roxas ang protesta laban kay Binay na nakalaban niya sa posisyon ng pagka-bise presidente.
“After more than three years, it is high time for Sec. Roxas to consider dropping his (electoral) petition and spare the people from agony and additional expenses,” paliwanag ng mambabatas.
Ang mungkahi ay ginawa ni dela Cruz matapos magsumite ang kaniyang grupo na independent minority block sa Kamara de Representantes na naglalayong amyendahan ang ilang probisyon sa hinihimay na P2.268 trilyong general appropriations bill (GAB) o pondo ng pamahalaan sa 2014.
Kasama sa mga pagbabago na iminungkahi ng grupo ay bawasan ang P88 milyon na inilaan sa budget para sa PET sa 2014. Ang PET ang namamahala sa mga protesta tungkol sa panalo ng pangulo at bise presidente.
Ayon kay dela Cruz, malaki ang matitipid ng pamahalaan kung walang pagkakaabalahan ang PET, at ang matitipid na pondo ay maaaring ilipat sa pagpapagawa ng mga paaralan o iba pang makabuluhang programa.
Bukod sa PET, nais din ng grupo na pinamumunuan ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, na bawasan din ang P126 milyon na alokasyon para sa Senate Electoral Tribunal (SET) dahil wala rin naman umanong protesta na nakabinbin sa mga nanalong senador.
Si Binay ang naging running-mate ni dating Pangulo at ngayo'y Manila Mayor Joseph Estrada, habang si Roxas naman ang kandidatong bise presidente ni Pangulong Benigno Aquino III.
Nakatanggap si Binay ng kabuuang 14,645,574 boto, laban sa 13,918,490 boto ni Roxas na kalamangan ng 727,084 boto.
Pagkatapos ng presidential elections noong 2004, nagsampa rin ng protesta sa PET si Sen. Loren Legarda laban sa nakatunggali niya sa vice presidential race na si dating Bise Presidente Noli de Castro.
Pero hindi na nakapaglabas ng desisyon ang tribunal matapos magpasya si Legarda na tumakbo muli at manalo sa pagka-senador noong 2007 elections na naging dahilan para iurong na niya ang protesta laban sa pagkapanalo ni de Castro. -- RP/FRJ, GMA News