ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Suplay ng palay, balik na sa normal sa mga kiskisan sa Bulacan
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inaasahan na magtutuloy-tuloy na ang pagbaba ng presyo ng bigas matapos bumalik na sa normal ang suplay ng palay sa pinakalamalaking rice trading center sa bansa na matatagpuan sa Bocaue, Bulacan. Nitong nakaraang ilang buwan, tumaas ang presyo ng mga bigas dahil sa umano'y lean season o hindi panahon ng anihan. Pero ngayon, sinabing nagbalik na ang magdamagang operasyon ng may 200 rice mill sa Intercity Industrial estate sa Bocaue. Sa panayam, sinabi ni Nong Santiago ng G4-Rice Mil, ang mga palay na dumarating sa Intercity ay nagmula sa mga lalawigan sa Norte tulad ng Isabela, Cagayan, Nueva, Ecija at Tarlac. Tinatayang umaabot sa halos 100 tonelada ng palay ang ginigiling o kinikiskis bawat araw sa Bocaue upang maging bigas. Nang panahon na kapos ang suplay ng palay, nagkakahalaga ang palay ng P23 hanggang P24 bawat kilo. Ngayon, bumaba na ito sa P17 hanggang P18, na halos katumbas na rin ng bili ng National Food Authority sa mga magsasaka. Dahil sa pagbaba ng presyo ng palay, inaasahan na patuloy ding bababa ang presyo ng bigas sa merkado. Ang bigas na nagkakahalaga ng P1,950 bawat sako (50-kilo), ay bumaba na sa P1,400. Una rito, hinamon ng mga mga magsasaka sa Bulacan ang NFA na habulin at hulihin ang mga negosyanteng hinihinalang nagtatago ng mga bigas na dahilan ng artipisyal na kakapusan sa suplay sa merkado. Sinabi ni Melencio Domingo, tagapangulo ng Malolos City Agriculture and Fisheries Council (MCAFC), imposibleng kapusin ng bigas sa merkado dahil maganda naman ang ani ng bigas bago pa man dumating ang panahon ng pag-ulan. -- RRamos/FRJ, GMA News
Tags: rice, riceshortage
More Videos
Most Popular