Arrest warrants, inilabas vs Misuari, Malik at dalawa pa
Naglabas na ang Zamboanga City Regional Trial Court ng arrest warrants laban kay Moro National Liberation Front founding chairman Nur Misuari, commader Ustadz Habier Malik at dalawa pang iba kaugnay ang pag-atake sa Zamboanga City na nagresulta sa pagkamatay ng mahigit 200 katao.
Sa isang text message sa mga reporter noong Miyerkules, sinabi ni Justice Secretary Leila de Lima na ipinaalam sa kanya ni Prosecutor General Claro Arellano ang tungkol sa arrest orders.
Sa hiwalay na text message sa GMA News Online, sinabi ni Arellano na inutos ni Zamboanga Ciry Regional Trial Court Branch 13 Judge Eric Elumba ang pag-aresto kay Misuari, MNLF commander Habier Malik, Bas Arki at Assamin Hussin.
Inilabas ang arrest warrants matapos maghain ng reklamong rebelyon at paglabag ng International Humanitarian Law (Republic Act 9851) noong Lunes ang Justice Department laban kay Misuari, Malik at 60 pang iba para kasunod ng pag-atake sa Zamboanga City noong nakaraang buwan na tumagal ng halos tatlong linggo.
Kasalukuyan nang nakadetine ang 57 pang ibang mga tauhan ng MNLF sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City.
Sa panayam noong Miyerkules, sinabi ni De Lima na mayroon silang malakas na kaso laban kay Misuari.
“Nung pumunta ako dun nung Friday and Saturday, I precisely checked out the evidence and I’m convinced that we have sufficient and strong evidence this time around to prosecute successfully Nur Misuari et. al. Kasi yan exactly ang instruction ng Pangulo,” aniya.
Ayon sa kanya, sisiguruhin ng mga prosecutor na magiging malakas ang kasong ito kumpara sa reklamong rebelyong inihain laban kay Misuari noong 2001, matapos ang pag-atake ng MNLF sa probinsya ng Sulu.
“Nung 2009, he was acquitted by a (Makati court) for insufficiency of evidence kasi tiningnan ko nga yung records ng kaso na 'yun, apat lang na prosecution witnesses ang ihinarap noon at wala pang mga direct and personal knowledge, so sinigurado po namin ngayon na these charges will hold water or will stick in court,” dagdag ni De Lima.
Noong 2001, kinasuhan si Misuari ng rebelyon dahil ipinag-utos nito sa kanyang mga tauhan na atakehin ang mga tropa ng gobyerno upang maantala ang eleksyon. Mahigit 100 katao ang namatay sa pag-atake na iyon.
Tumakas si Misuari patungong Malaysia, at doon siya naaresto at ipina-deport. Inilagay siya sa house arrest habang dinidinig ang kanyang kaso sa Makati Regional Trial Court Branch 59. Pinayagan siyang magpiyansa noong 2008.
Noong 2009, ibinasura ni Makati Judge Winlove Dumayas ang kasong rebelyon laban kay sa kanya.
Isang araw matapos maghain ng kanyang kandidatura sa pagkagobernador ng Sulu, napawalangsala si Misuari.
Noong 2007, tumakbo rin si Misuari para sa naturang posisyon, ngunit natalo siya ni Abdusakur Tan.
Hiniling din ni De Lima sa Korte Suprema na ilipat ang venue ng kaso mula Zamboanga City sa Metro Manila.
“Delikado kasi kung doon pa rin ang magiging venue ng trial and mismong si (Zamboanga City) Mayor Beng Climaco sumulat po siya sa akin at ganun ang sinabi niya na kung pwede humingi ng authorization from the Supreme Court to transfer the venue of the trial because of the security,” aniya.
“Very serious security concerns sa Zamboanga so ipina-attach nga namin 'yung letter request na pinirmahan ni Prosecutor General Arellano at 'yung letter ni Mayor Climaco,” dagdag ni De Lima. — Amanda Fernandez /LBG, GMA news