Intensity 5 na lindol, naranasan sa Iloilo; klase sa Iloilo City, sinuspindi
Naramdaman din sa lalawigan ng Iloilo ang lindol na tumama sa Visayas region itong Martes ng umaga. Sa lungsod ng Iloilo, kinansela muna ang mga klase sa lahat ng antas ng paaralan habang sinusuri kung may idinulot na matinding pinsala ang lindol sa mga gusali.
Sa ulat ni Fabienne Paderes ng GMA-Iloilo sa GMA News TV's News To Go nitong Miyerkules, ipinakita nito ang mga video ng footage sa naging epekto ng pagyanig ng lupa sa Iloilo na umabot sa Intensity 5.
Nangamba naman ang mga residente sa katatagan ng gusali ng Hall of Justice sa Iloilo City dahil kasalukuyang itong isinasailalim sa pagkumpuni o retrofitting.
Ipinaayos ang gusali nang makitaan ng mga bitak matapos maganap ang lindol sa lalawigan noong Pebrero 2012.
Kasunod ng pagtatala ng mahigit 100 aftershocks, kinansela na muna ang mga klase sa Iloilo City sa lahat ng antas nitong Miyerkules habang isinasagawa ang pagsusuri sa mga gusali sa lungsod.
Wala namang naitalang nasugatan o nasawi sa Iloilo bunga ng naganap na lindol. -- FRJ, GMA News