Pinas may batas na laban sa terorismo
Matapos ang maraming taon ng debate sa Kongreso ay naisabatas na rin sa wakas ang anti-terrorism measure. Nilagdaan na nitong Martes ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo upang maging batas ang Republic Act 9372 o Human Security Act ng 2007. Sinabi ni Ginang Arroyo sa isang pahayag na ang batas ay ang pangunahing pagpapakita ng paglaban sa kasamaan ng lahat ng Filipinong nagnanais ng kalayaan at mga kaalyansa nito sa buong mundo. "This brings to a higher level our successful campaign against the Abu Sayyaf, Jema'ah Islamiyah and al-Qaeda cells now being carried out in a broader front of national and regional vigilance," pahayag ng Pangulo. Samantala, nauna nang sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), Anak Pawis at Gabriela na maghahain sila ng kaso sa Korte Suprema kapag pinirmahan ni Ginang Arroyo ang nasabing panukala. Unang inihain ang anti-terrorism bill sa Kongreso noong 1995 makaraan ang bigong pagpatay kay dating Pope John Paul II na bumisita sa bansa noong Enero nasabing taon. Habang ang mga sumunod na inihaing bersyon ay nakabatay sa laban sa terorismo na pinangunahan Amerika matapos ang pag-atake sa World Trade Center at sa Pentagon ng Al Qaeda network ni Osama bin Laden noong Setyembre 11, 2001. Nakipag-alyansa si Ginang Arroyo kay Pangulong George W. Bush ng Amerika upang makasama ang Pilipinas sa "coalition of the willing" at nangakong dudurugin ang mga armadong grupo sa bansa na may kaugnayan sa Al-Qaeda. Binansagan ng Amerika ang Abu Sayyaf, Moro Islamic Liberation Front (MILF) at New People's Army (NPA) bilang "terrorist groups." Ito ay sa kabila ng pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga pulitikal na kaalyado ng MILF at NPA. Naniniwala si Pangulong Arroyo na magiging babala sa mga nagbabanta ng karahasan ang bagong batas habang patuloy ang pamahalaan sa pagtataas ng kumpiyansa sa Pilipinas, paglilikha ng trabaho, pagtataas ng suweldo at pag-alis sa mga mamamayan sa kahirapan. "Our message to the world is to have no safe heaven for terror in our country, and to have a strong democratic society driven by freedom under the rule of law," pahayag nito. Subalit iginiit ng mga militanteng mambabatas na maraming probisyon ng batas ay lumalabag sa Konstitusyon at sa karapatang pantao ng mga Filipino. Tinutukoy nila ang mga probisyon ukol sa pagpayag sa pagkakakulong ng mga pinaghihinalaang terorista ng hanggang 72 oras nang walang kaso; pagpayag sa surveillance at wiretapping; hindi pagpayag sa mga pinaghihinalaang terorista na gumamit ng anumang device na pang-komunikasyon at house arrest. Kabilang din sa mga probisyon ng batas na hindi na maaaring kasuhan ng terorismo ang sinuman na kinasuhan na sa korte at napawalang-sala; hindi kasama ang militar sa pagpapatupad ng anti-terror law; pagsuspinde sa pagpapatupad ng batas isang buwan bago at dalawang buwan matapos ang eleksyon. Papatawan ng 40 taong pagkakakulong nang walang parole ang mapapatunayang nagkasala ng terorismo. Habang ang âaccompliceâ ay mahahatulan ng 17 hanggang 20 taong pagkakakulong samantalang 10 hanggang 12 taong pagkakabilanggo sa âaccessoryâ. - Amita Legaspi, GMANews.TV