Curfew, ipinatupad sa Digos City, Davao del Sur dahil sa mga insidente ng karahasan
Nagpatupad ng curfew sa Digos City, Davao del Sur ang Commission on Elections (Comelec) simula nitong Linggo. Kasunod ito ng ilang insidente ng kaguluhan tulad ng paghahagis ng pampasabog sa dalawang paaralan sa isang barangay sa lungsod bago ang halalan.
Sa ulat ni Marlon Palma-Gil ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Lunes, sinabing ipinatupad ang curfew simula 10:00 p.m. hanggang 4:00 a.m., na tatagal hanggang sa Martes.
Una rito, dalawang paaralan sa barangay San Jose sa Digos City ang magkasunod na hinagisan molotov bomb ng mga hindi kilalang suspek nitong Sabado ng gabi. Wala namang iniulat na nasaktan sa naturang insidente.
Samantala, nitong Linggo ng hatinggabi, hinagisan naman ng granada ang bahay ni Provincial Prosecutor Artemio Tajon sa nasabing ring lungsod.
Wala ring nasaktan sa naturang insidente pero napinsala ang ilang bahagi ng bahay at ilang sasakyan ni Tajon.
Naniniwala naman ang piskal na hindi konektado sa halalan ang nangyaring pagbato ng granada sa kaniyang bahay.
Kasabay ng halalang pambarangay sa Davao del Sur ang plebisito kaugnay ng planong biyakin ang lalawigan para mabuo ang probinsiya ng Davao Occidental. -- FRJ, GMA News