Nanalong kapitan ng barangay, pinatay ng sariling kapatid na tinalo niya sa posisyon
Wala na sigurong hihigit pa karahasang dulot ng nagdaang barangay elections sa nangyari sa pamilya Arcenas na nauwi sa patayan ng magkakapatid ang resulta ng halalan sa barangay Manapao sa Pontevedra, Capiz nitong Lunes.
Matapos matalo ang incumbent barangay chairman na si Manuel Arcenas sa kaniyang kapatid na si Ramon Arcenas, pinagbabaril ng una ang huli.
Bukod dito, idinamay din ni Manuel ang dalawa pa niyang kapatid na babae na sina Jeniffer Nuyles at Evelyn Espinar.
"Victims sustained gunshot wound on different parts of their body and were brought to Bailan District Hospital for medical treatment but were declared DOA by attending physician," ayon kay Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr., ng Western Visayas Regional Police
Ang naturang insidente na nangyari pa mismo sa kaniyang lalawigan ay kinondena ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas.
"Isang barangay official na natalo kahapon, hindi natanggap ang kanyang pagkatalo. Pinatay ang sariling kapatid na katunggali sa eleksyon. Nakakadismaya at nakakalungkot," pahayag ni Roxas sa press conference na ginanap sa Philippine National Police headquarters sa Camp Crame sa Quezon City nitong Martes.
Sinabi ni Roxas na iniutos na niya ang pagtugis kay Manuel para papanagutin sa ginawa nitong krimen.
Bukod sa pulitika, tinitingnan din ng pulisya ang anggulong mana ng magkakapatid bilang motibo sa krimen.
Sakabila ng nangyari sa Capiz, sinabi ni Roxas na mapayapa at tagumpay ang resulta ng halalan.
"Subalit isa lamang ito sa 42,000 barangays sa ating bansa," ani Roxas. "Sa kabuuan, regular, successful ang eleksyon na ito."
Umabot na sa 25 katao ang nasawi sa halalan, at nasa 644 naman ang nadakip dahil sa paglabag sa Comelec gun ban na nagsimula noong Sept. 28.
"Mananagot ang mga pumatay at nananakit," ayon kay Roxas. "Inatasan ang pambansang pulisiya na tugisin ang mga pumatay at nanakot nitong eleksyon."
Sinabi ni PNP deputy chief for operations General Felipe Rojas Jr., na umaabot sa 46 ang pinaniniwalaang politically-motivated incidents, na kinabibilangan ng 39 shooting incident, isang strafing, tatlong stabbing, at tatlong iba pang kaso. — FRJ, GMA News