ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Barangay chairman na suspek sa pagpatay sa 3 niyang kapatid sa Capiz, nais daw sumuko


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nakatanggap umano ng mga surrender feeler ang Western Visayas regional police mula sa kampo ng isang punong barangay na suspek sa pagpatay sa tatlo niyang kapatid-- na ang isa ay papalit sana sa kanya sa puwesto matapos manalo sa katatapos na barangay elections sa Pontevedra, Capiz.
 
Pinaghahanap ng mga pulis si Manuel Arcenas, out-going chairman ng barangay Manapao sa Pontevedra dahil sa pagbaril at pagpatay niya sa kaniyang mga kapatid na sina Ramon, Jennifer Arcenas-Nuyles at Evelyn Arcenas-Espinar.
 
Nangyari ang pamamaril ilang oras matapos iproklamang panalo si Ramon bilang bagong kapitan ng barangay na papalit sana kay Manuel.
 
Nasa huling termino na si Manuel kaya ang anak nito ang pinatakbong kapitan ng barangay, at nakalaban ni Ramon (taliwas sa naunang impormasyon na si Manuel ang nakalaban).
 
Gaya ng kaniyang anak, natalo rin si Manuel na kumandidato bilang konsehal ng barangay.
 
“These are being course through some local officials who have been telling our commanders of his willingness to surrender,” pahayag ni Chief Supt. Agrimero Cruz, Jr., director ng Western Visayas regional police.
 
Sa kabila ng mga natatanggap na surrender feeler, sinabi ni Cruz na patuloy ang paghahanap nila kay Manuel na pinaniniwalaang nasa Capiz pa rin o kalapit na lalawigan ng Iloilo.
 
Idinagdag ng opisyal na isang special investigation task force na ang binuo nila na pinamumunuan ni Senior Supt. Victor Wanchakan.
 
Masusi na ring binabantayan ng pulisya ang mga lugar na maaaring daanan ni Manuel patungo sa Masbate, Guimaras, Aklan, Negros, Bicol Palawan at Samar.
 
Samantala, sinabi ni SPO1 Fernando Marquez, ng Pontevedra police, na gumawa na rin sila ng kaukulang hakbang para maiwasan ang posibleng paghihiganti ng mga kaanak ng mga biktima.
 
Sinabi ni Marquez na hindi na mahanap ng pulisya ang miyembro ng pamilya ni Manuel na naninirahan sa Roxas city.
 
Napag-alaman naman ng pulisya na nasangkot na rin sa insidente ng pamamaril noong 2009 si Manuel na isang kaso umano ng self defense. -- FRJ, GMA News