Brgy chairman na suspek sa pagpatay sa 3 niyang kapatid, sumuko na
Sumuko na nitong Miyerkules ang barangay chairman na suspek sa pagpatay sa kaniyang tatlong kapatid sa Pontevedra, Capiz.
Ayon kay Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr., pinuno ng Western Visayas Regional Police, sumuko si Manuel Arcenas kay Pontevedra mayor Esteban Contreras at Superintendent Kas Disomangkop ng Police Regional Office-6.
"After a whole night of tracking his whereabouts, the suspect was monitored in La Paz (in) Iloilo City where he eventually gave up to authorities," pahayag ni Cruz.
Naunang sinabi ni Cruz na nakatanggap sila ng mga surrender feeler mula sa kampo ni Arcenas, na nagtago isang araw matapos niyang barilin at mapatay ang mga kapatid na sina Ramon, Jennifer Arcenas-Nuyles at Evelyn Arcenas-Espinar.
Si Ramon ang nanalong kapitan ng barangay ng Manapao sa katatapos na halalan na papalit sana kay Manuel.
Nasa huling termino na si Manuel kaya ang anak nito ang pinatakbong kapitan ng barangay, at nakalaban ni Ramon (taliwas sa naunang impormasyon na si Manuel ang nakalaban).
Bukod sa anak, natalo rin si Manuel na kumandidato bilang konsehal ng barangay.
Ayon kay Cruz, dinala si Manuel sa Camp Martin Delgado sa Iloilo City.
Maliban sa pulitika, tinitingnan din ang usapin ng mana ng magkakapatid bilang motibo ng krimen. — FRJ, GMA News