ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

SC nagpalabas ng writ of kalikasan sa binansagang 'killer' dam ng Iloilo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nagpalabas ng writ of kalikasan ang mga mahistrado ng Korte Suprema laban sa tinaguriang "killer dam" project sa lalawigan ng Iloilo na sinasabing magdudulot ng peligrong sa may 17,000 residente na nakatira sa paligid ng proyekto.
 
Ang writ of kalikasan ay tugon sa inihaing petisyon ni dating Iloilo Rep. Augusto Syjuco Jr., na mahigpit na tumututol sa naturang proyekto.
 
"Considering the allegations contained the issues raised and the arguments addiced in the petition, the court finds it necessary and proper to issue a writ of kalikasan against the respondents," nakasaad sa tatlong pahinang resolusyon ng korte na inaprubahan ni acting Chief Justice Presbitero Velasco Jr.
 
Pinasasagot o respondent sa naturang petisyon laban sa Jalaur River Multi-Purpose Project Stage II (JRMP), ang mga opisyal ng National Irrigation Authority, National Commission on Indigenous Peoples, Department of Environment and Natural Resources, National Economic Development Authority, Department of Agriculture, Department of Agrarian Reform, at Department of Public Works and Highways, among others.
 
Inatasan ng korte ang mga respondent na magbigay ng kanilang paliwanag sa petisyon sa loob ng 10 araw matapos nilang matanggap ang kautusan.
 
Gayunman, hindi nagpalabas ang mga mahistrado ng temporary environmental protection order na hiniling din ni Syjuco para mapigilan ang paggawa ng dam.
 
Iginiit ni Syjuco na mapanganib ang proyekto batay na rin umano sa pag-aaral na ginawa ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) dahil malapit ang itinatayong dam sa isang aktibong fault line.
 
Maaari umanong maapektuhan ng naturang proyekto ang 25 sa 55 barangay sa bayan ng Calinog. Bukod dito, inakusahan ni Syjuco na “false, incomplete and misleading,” ang ipinalabas na Free Prior and Informed Consent ng NIA at NCIP para sa proyekto.
 
Iginiit ni Syjuco na hindi inabisuhan tungkol sa posibleng peligrong idudulot ng proyekto ang mga katutubong Pilipino sa lugar.
 
Noong nakaraang taon, tiniyak ni Senate President Franklin Drilon, kalaban ni Syjuco sa pulitika, sa mga residente sa lugar na ligtas ang proyekto dahil 11 kilometro ang layo nito sa West Panay Fault.
 
Layunin ng nasabing proyekto na gagastusan ng P8.95-bilyon na makapagdagdag ng tubig na para sa irigasyon ng mga taniman, enerhiya sa pamamagitan ng hydro-electric power at paglikha ng trabaho. —FRJ, GMA News