ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Primetime speech ni PNoy, sapul o sablay?


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naniniwala ang Malacañang na positibo ang naging resulta ng ginawang talumpati ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Miyerkules na ipinalabas sa primetime television. Pero para sa mga kritiko ng pork barrel funds, naniniwala silang sablay ang paliwanag ng Punong Ehekutibo.
 
Sa isinagawa umanong pagsubaybay ng Palasyo sa reaksiyon ng publiko -- lalo na sa internet, sinabi ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr., na maganda ang nakuha nilang mga feedback tungkol sa talumpati ni Aquino kung saan ipinaliwanag niya ang isyu tungkol sa pondo ng bayan.
 
"Yung tracking po natin ng public sentiment, especially online, up to 75 percent po yung positive feedback at tinutuloy po natin yung pag-aalam sa saloobin ng ating mga mamamayan sapagkat 'yan naman ang layunin ng ating Pangulo," pahayag ni Coloma sa isinagawang press briefing sa Palasyo nitong Huwebes.
 
Sa naturang talumpati ni Aquino, kinastigo nito ang mga kritiko ng kanyang Disbursement Acceleration Program at iginiit na hindi siya ang nagnakaw sa pondo ng bayan.
 
Basahin: Naniniwala ka bang may nagpapalabo lang sa usapin ng PDAF at DAP?


Sinabi ni Coloma na ibinase nila ang nakitang "positibong" pagtanggap sa talumpati ng pangulo batay sa "immediate reaction" ng netizens.
 
"Dahil meron talagang tracking 'yan from the available sites po... yung Facebook account ng ating Pangulo, yung Twitter account niya, websites of government offices," paliwanag ng opisyal.

Hati ang netizens
 
Pero sa isinagawang quick search ng GMA News Online matapos ang talumpati ni Aquino, lumilitaw na hati ang pananaw ng netizens sa isyu.
 
Sa nakaraang survey na ipinalabas ng Social Weather Stations nitong Setyembre, lumitaw na nalagasan ng 15 points ang net rating ni Aquino matapos na bumaba ito sa +49 mula sa dating  +64 noong Hunyo.
 
Bukod dito, mayroon ding lumabas na mga ulat tungkol sa umano'y internal survey ng Palasyo na nagsasabing bumaba rin ng malaki ang approval rating ni Aquino, bagay na itinanggi naman ni Coloma.
 
Ayon kay Coloma, nananatiling mataas ang rating ng pangulo at patuloy itong magtatrabaho anuman ang maging resulta ng mga survey.
 
"Kaya wala pong batayan yung nagsasabi na defensive [tayo]. Hindi po tayo defensive. Ang dinedepensa po natin ay yung bayan mismo at ang katotohanan ang ginagamit nating sandata sa pagtatanggol," anang kalihim.
 
Sinabi pa ni Coloma nitong Huwebes na hindi rin ang napapabalitang pagbaba ng rating ang dahilan kaya nagpaliwanag si Aquino tungkol sa usapin na may kinalaman sa paggamit ng pondo ng bayan.
 
"Wala pong kinalaman dahil hindi po yan ang tinitingnan bilang konsiderasyon," aniya. "Batid po natin na ang ating Pangulo ay palaging nakatutok sa pulso ng bayan... humanap po talaga siya ng mainam na pagkakataon para makausap po niya nang tuwiran, hindi lamang ang iilan o hindi lamang ang mga partikular na sektor, kundi ang buong sambayanan."
 
Sablay sa isyu
 

Para naman sa mga militanteng mambabatas at kritiko ng DAP, malayo umano sa katotohanan ang naging talumpati ni Aquino.
 
“Aquino has lost touch with reality and his speech completely misses the point,” ayon kay Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. “The people are angry with the corruption and patronage politics that goes with pork and the DAP.”

May nakikita rin siyang panganib sa umano'y paggiit ni Aquino na legal at tama ang DAP kung saan ang pondo na ginagamit sa programa ay mula sa savings ng pamahalaan.

“Realigning appropriations arbitrarily is technical malversation at least and many public officials have gone to prison for spending funds to items other than those appropriated by law,” giit ni Colmenares na muling nanawagan kay Aquino na alisin ang mga lump sum provision sa hinihimay na 2014 national budget.

Sinabi naman ni Peachy Bretaña, isa sa mga organizer ng anti-pork barrel protest na Million People March, na hindi natalakay ni Aquino sa kaniyang talumpati ang pangunahing usapin na mahalaga para sa tao.
 
“For me, he obviously focused only on himself, his reputation (na batay na rin sa pagbaba umano ng ratings ng pangulo), and not on the main issue of the people on pork and corruption,” paliwanag niya sa ipinadalang text message sa GMA News Online nitong Huwebes.

“He did not go beyond himself, unfortunately. He did not address the issue of the corrupt pork barrel system. His vision, it turns out, is so short-sighted. Just him and his presidency. He does not care about us, the Filipino in general, long-term,”  dagdag niya.

Maging ang social activist na si Mae Paner, na mas kilala bilang si Juana Change, ay nadismaya sa talumpati ni Aquino.

“How disappointing that he could only come from one point of view: his view! Did we accuse him of stealing? No! We are saying he used DAP as pork!” ayon kay Paner, na sumuporta kay Aquino noong 2010 presidential elections.

“While we will hold thieves accountable, we have every right to hold him accountable for his administration’s misuse as well! Is his tuwid na daan as bogus as Napoles bogus NGOs? (It is) time for authentic change,” dagdag pa niya sa ipinadalang text message.

Samantala, ang Anti-pork barrel group, #ScrapThePork Alliance at Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region (Bayan-NCR), tinawag na aksaya lang ng oras ang talumpati ni Aquino.

“It is nothing but a waste of time to all of the Filipinos who waited and hoped for positive developments on the issue of the abolition of the pork barrel system, DAP and other corruption-ridden issues hounding his administration,” ayon kay Mark Louie Aquino, spokesperson ng grupo. -- FRJimenez, GMA News