Mga bata sa Bulacan, nagbihis santo at anghel imbes na mga katatakutan
Sa halip na mga nakakatakot na costume, mga kasuotan na tila santo at anghel ang ipinarada ng mga bata sa Sta. Maria, Bulacan kaugnay ng pagdiriwang ng Undas.
Sa taunang “March of Saints” na isinasagawa sa nabanggit na bayan, nagbihis santo at anghel ang mga batang may edad anim hanggang sampu sa bisperas ng Araw ng mga Santo. Ilan sa kanilang ginaya ay ang mga Pilipinong santo na sina San Lorenzo Ruiz, San Pedro Calungsod at Blessed Jose Maria de Manila.
Sa report na ipinalabas sa GMA news “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ng kura paroko ng Sta. Maria, Bulacan, nais nilang baguhin ang pagtingin ng mga Katoliko sa Halloween.
“Yung Halloween, ang naisip agad ng mga bata ay katatakutan, karumal-dumal, mali [‘yon],” ayon kay kay Fr. Nic Lalog II, kura paroko ng San Juan the Apostle Evangelist Parish Church.
Paliwanag pa niya, “Ang Halloween ang ugat nun ay 'hallowed evening' o 'holy evening' o banal na gabi. Kasi iyon ang gabi bago ang araw ng mga santo. Kaya nga ibinabalik namin sa aming parokya yung tama o tumpak na pagdiriwang ng All Saints’ Day.”
Sinabi pa ni Lalog, na mahalaga na bata pa lamang ay mamulat na ang mga kabataan tungkol sa buhay ng mga santo upang kanilang tularan sa kanilang paglaki.
Samantala, aliw na aliw naman ang mga manonood ng parada, at suportado ng mga tao ang posisyon ng pari na ibahin ang nakagawiang pagtingin tungkol sa Halloween.
Pagkatapos ng parada, nagkaroon ng misa sa simbahan na sinundan naman ng isang salu-salo at mga palaro para sa kabataan. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News