ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Isyu ng 'apology' sa pagitan ng HK, Maynila 'di pa rin naaayos


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi nagkasundo ang mga kinatawan ng Hong Kong at Maynila kung sino ang dapat magbigay ng "official apology" at kung magkano ang dapat ibayad sa mga biktima ng madugong Manila hostage crisis noong Agosto 2010.

Matatandaang walong turista mula sa Hong Kong ang napatay sa nasabing hostage crisis na nagdulot ng tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at Hong Kong.

Nitong Huwebes, nagharap ang abogado ng mga biktima na si James Tu at si Manila City councilor Bernardito Ang sa isang meeting na dinaluhan ng ilan pang mga opisyal ng Hong Kong.

Kaugnay ito sa resolusyong ipinasa ng Manila City Council na nagsasabing pupunta ngayong Nobyembre si Manila Mayor Joseph Estrada sa Hong Kong upang personal na ihatid ang "formal apology" ng Maynila para sa mga pamilya ng mga biktima ng hostage-taking.  

Ngunit iginiit ng mg survivor at mga namatayan na ang gobyerno ng Pilipinas at hindi ng Maynila ang dapat magbigay ng "formal apology.”

Matapos ang meeting na ginanap sa Hong Kong kung saan tumungo si Ang, sinabi ni Tu na malapit nang magkasundo ang dalawang partido subalit may mga bagay pa ring dapat ayusin ang magkabilang panig.

"Both sides have put forward their new proposals. And we have a very in-depth discussion, and the gap is narrowed," ani Tu.
 
Dumating si Ang sa Hong Kong noong nakaraang linggo at makailang ulit nang nakipagharap kay Tu.
 
Sinabi ng konsehal ng Maynila sa Hong Kong's Cable Television nitong Miyerkules na handang magbayad ng US$75,000 ang pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamilya ng mga napatay na turista, at US$20,000 hanggang US$150,000 sa mga nasugatan.
 
Subalit hindi nagustuhan ni Tu ng Hong Kong ang naging pahayag ni Ang sa media. Aniya, nilabag ni Ang ang usapan nilang ilihim ang mga detalye ng usapan.

Pinagtanggol naman ni Ang na hindi lamang siya ang naglabas ng impormasyon, ngunit pati mga kawani ng Hong Kong ay may mga idinetalye rin sa media.

"Sometimes I would even describe the atmosphere in the room as very tense. Almost up to a point that each side may walk away. But eventually we put down the sentiment and continued the meeting and, in a sense, successfully finished the meeting," paliwanag ni Tu.
 
Hindi naman nakipag-usap sa media si Ang. Nakatakda itong bumalik sa Pilipinas sa susunod na linggo.
 
Gayunpaman, kailangan pa umanong ipagpatuloy ang usapan sa pagitan ng dalawang partido, ayon kay Tu.

"If there is no meeting between the secretaries, or if there is meeting but no substantial development, then of course we cannot wait forever. And I know that Hong Kong people is also very impatient and very angry, I would say, and sentimental in this point. And I do re-convey the sentiment to Mr. Ang," aniya.
 
Nitong Huwebes, apat na mahahalagang isyu ang pinag-usapan ng mga kinatawan ng dalawang bansa – sino ang dapat humingi ng tawad, magkano ang dapat ipayad sa mga biktima at mga naulila nito, paano paparusahan ang mga nagkasala sa insidente, at papaano mas mapapangalagaan ng Maynila ang mga turista nito. — Rouchelle Dinglasan/KBK, GMA News