ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

1-taong gulang na babae, patay matapos mahulog sa cable car ng isang peryahan sa Tagum City


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang isang batang babae na isang-taong-gulang matapos na mahulog sa sinakyang cable car sa isang peryahan sa Tagum City, Davao Del Norte nitong Martes.

Sa ulat ni LJ Lindaan ng GMA-Davao sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing kasamang sumakay ng batang biktima ang isang babae na asawa ng isang trabahador sa peryahan.

Bagaman limang-taong-gulang dapat ang edad na pinapayagang sumakay sa cable car, pumayag ang may-ari ng peryahan na maisakay ang biktima kahit isang-taong-gulang lang ito dahil kilala naman nila ang kasama ng bata.



Pero hindi pa man umano ganap na tumitigil ang ride, inalis na umano ng babae ang lock ng cable car na naging dahilan para umuga ito at tumama sa isang poste na dahilan ng pagkahulog ng bata.

Nasa labas umano ng peryhan ang ina na bata at nagtitinda ng mga laruan nang maganap ang aksidente.

Pansamantalang ipinasara ang ride matapos na kakitaan ng problema sa kaligtasan nang suriin ng engineering office ng lokal na pamahalaan.

Hindi naman daw nagsampa ng reklamo ang mga magulang ng bata matapos makipag-areglo ang may-ari ng peryahan. -- FRJ, GMA News