ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga sinalanta ni 'Yolanda' sa Estancia, Iloilo, pinahirapan naman ng oil spill


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Tinataya ng Philippine Coast Guard na aabot na sa 200,000 litro ng bunker fuel ang tumagas mula sa barge ng National Power Corporation (Napocor) na sinira ng bagyong "Yolanda" sa Estancia, Iloilo.

Sa ulat ni Jennifer Muneza ng GMA-Iloilo sa Balita Pilipinas Ngayon nitong Miyerkules, sinabing lumitaw sa paunang ulat na nakawala sa pagkakaangkla ang barge nang bayuhin na ito ng malakas na hangin at alon nang manalasa si "Yolanda."

Sa lakas ng hampas ng alon, sumadsad ang barge sa baybayin at nabutas ang ilalim nito na dahilan ng pagtagas ng langis.



Tinatayang nasa dalawang kilomentro ng dalampasigan ng barangay Botongon sa Estancia ang apektado ng oil spill.

Bukod sa panganib sa kalusugan dahil sa masamang amoy na idinudulot ng tumagas na langis, nangangamba rin ang mga residente sa magiging epekto ng oil spill sa kanilang kabuhayan.

Tiniyak naman ng kawani ng Napocor na ginagawa nila ang lahat para hindi na lumala ang pagtagas ng langis.

Gayunpaman, pahirapan ang gagawing paglilinis sa tumagas na langis dahil sa dami ng debris sa dalampasigan na iniwan ng pananalasa ng bagyo. -- FRJ, GMA News

Tags: oilspill