Kakulangan ng body bags, nagpapahirap sa pagkuha ng mga bangkay sa Tacloban
Inihayag ni Tacloban City Mayor Albert Romualdez nitong Miyerkules na ang kakulangan ng mga body o cadaver bag ang nagpapahirap sa pagkuha ng nakakalat na naagnas na mga bangkay sa kanilang lugar.
Sa panayam sa telepono, sinabi Romualdez na patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasawi sa Tacloban. Umaabot sa 220,000 ang populasyon sa lungsod nang hagupitin ng bagyong "Yolanda" nitong Biyernes.
Tinatayang aabot sa 500 ang nasawi sa Tacloban na matinding napinsala ng storm surge o pagragasa ng dagat na umabot sa sentro ng lungsod dulot ng hanging dala ni "Yolanda."
"We also lack... body bags. Some of them just arrived today. We're having some problems in the collection of cadavers," dagdag ng lokal na opisyal.
Sa isang ulat ng GMA News TV's "QRT" nitong Miyerkules, sinabing nagpadala na ang Department of Health ng karagdagang 1,000 body bags sa mga sinalantang lugar.
Pinawi rin ang pangamba na magdudulot ng masama sa kalusugan ng mga tao ang mga nabubulok na bangkay.
Ayon naman kay Romualdez, bukod sa kakulangan ng body bags, kulang din ang tao at gamit para makuha ang mga bangkay at maalis ang mga nakaharang na bagay tulad ng mga punongkahoy sa mga lansangan.
Sa ngayon, ginagamit ang mga trak para malinis ang mga kalsada at pagkatapos nito ay gagamitin na ang mga trak sa pagkuha ng mga bangkay.
Inaasahan ni Romualdez na matatanggap ang bagong impormasyon sa kalagayan ng lungsod sa Miyerkules ng gabi.
Una rito, inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III na posibleng umabot lamang sa hanggang 2,500 ang nasawi kay "Yolanda," na malayo sa unang napaulat na pagtaya na 10,000.
Sa opisyal na ulat na ipinalabas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Miyerkules, sinabing 2,275 katao ang nasawi at 82 ang nawawala. -- FRJ, GMA News