ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang biktima ng bagyong 'Yolanda' sa Marabut, Samar, namamalimos para may makain


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

“Tulong para sa mga bata, pagkain at iba pa!!!”
 
Ito ang karatulang bubungad sa mga bibisita sa bayan ng Marabut na matatagpuan sa pinakadulong bahagi ng Western Samar.
 
“Please help us,” ito naman ang nakasaad sa isang placard na bitbit ng isang bata na nakikipag-unahan para makalapit at pumapara ng mga sasakyang dumadaan sa kanilang bayan.
 
Isang hilera ng mga babae at bata ang nagsasahod ng kani-kanilang lalagyan para humingi ng tulong o pera sa mga nagdaraang sasakyan. Kahit mga tira-titang pagkain ay kanilang hinihingi, ayon sa isang report  ng  GMA news “24 Oras Weekend” nitong Sabado.

 
Nang tanungin ni GMA News reporter Cedric Castillo ang isang batang kung saan nito gagamitin ang hinihinging barya, tugon ng mga bata sa lugar: “pambili ng kendi… kape.”
 
“Nais ko sanang humingi ng tulong… kahit.. konti lang basta galing lang sa puso,” pahayag naman ng isa pang residente.
 
Ilan lamang ito sa mga tagpo sa bayan ng Marabut kung saan kilo-kilometrong guho ng mga sirang bahay ang matutunghayan dala ng hagupit ng mapaminsalang si "Yolanda."
 
Dalawampu’t apat na barangay ang tuluyang napinsala ng bagyo sa nasabing bayan. Umabot na sa 24 katao ang namatay dito, samantalang walo pa ang nawawala.
 
Ayon sa mayor ng bayan na si Percival Ortillo, bahagyang dumarating ang rasyon ng pagkain sa kanilang lugar ngunit kulang na kulang umano.
 
“’Yun ang kinakatakutan ko pa kung hanggang kailang masusustain noong government or any agency or NGO ‘yong pamimigay ng mga libreng food, medicine or assistance,” aniya.
 
Tantiya ni Percival, aabutin ng isa o dalawang dekada bago pa makabawi ang Marabut.
 
“Ten to 20 years, considering na ang ating rehabilitation at saka reconstruction ng munisipyo ay babase lamang sa kakayahan ng aming pondo ay talagang matagal,” paliwanag niya.
 
Bukod sa pagkain, humihingi rin ng tulong medikal ang alkalde.
 
Nitong Sabado ng gabi, dumating naman ang isang Philippine Navy Patrol Ship sa Marabut mula sa Tacloban City, Leyte upang magdala ng relief goods.
 
Sa pinakahuling tala ng NDRRMC, nasa 3,633 katao ang nasawi mula sa bagyo habang mahigit 12,000 naman ang sugatan at 1,179 ang patuloy na hinahanap. Lagpas na sa P9 bilyon ang halaga ng pinasalang idinulot ng kalamidad. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News

Tags: yolandaaid