ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Yolanda,' 'wag gamiting katwiran para mag-import ng bigas, ayon sa ilang mambabatas


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nanawagan sa National Food Authority (NFA) ang ilang mambabatas sa Kamara de Representantes na huwag gamiting dahilan ang pinsala ng bagyong "Yolanda" para umangkat ng bigas sa ibang bansa bago matapos ang taon.

Sa joint hearing ng House committees on agriculture and food at food security, sinabi nina Nueva Ecija Rep. Estrellita Suansing at Northern Samar Rep. Emil Ong, makabubuting buhusan ng suporta ang mga lokal na magsasaka kaysa umangkat ng bigas mula sa ibang bansa.

"Instead of importation, why don't we assist our farmers? Bigyan sila ng assistance like cash subsidy. Sana naman wag iconsider agad ang importation, baka kasi ginagagawang excuse lang ang Yolanda para mag-import," mungkahi ni Suansing.

Sinuportahan naman ni Ong ang naging posisyon ni Suansing sa pagtulong sa mga lokal na magsasaka, at iginiit na dapat bigyan prayoridad ang pagbili ng NFA sa palay ng mga magsasakang Pinoy.

"(Hindi) bale nang taasan ang presyo ng palay basta ang makinabang ay mga magsasaka natin at hindi ang magsasaka ng ibang bansa. Bago mag-import i-exhaust natin ang local produce, okay lang malugi ang NFA, basta ang bibilhin ay palay ng mga magsasaka natin," giit ni Ong.

Tanong pa niya, "Kung may pambili sa importation, bakit wala tayong pera pambili sa produkto ng magsasaka natin."

Sa naturang pagdinig, ipinaliwanag ni NFA deputy administrator Ludovico Jarina na kailangang umangkat ang bansa ng 500,000 metric tons of rice bago matapos ang taon.

Kasunod ito ng paggamit ng 85,477 metric tons ng bigas para sa mga nasalanta ng bagyo na ipinadaan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at mayroon ding mga "nawala" bunga ng kalamidad.

Basahin: 8 dead in stampede as Yolanda survivors storm rice warehouse

Noong nakaraang Oktubre, nagpahayag si NFA  administrator Orlan Calayag na walang plano ang pamahalaan na umangkat pa ng bigas sa taong 2013 dahil sapat na sa bansa ang imbak na bigas ngayong taon.

Ginawa noon ni Calayag ang paglilinaw dahil na rin sa lumabas na mga maling ulat na planong samantalahin ng ilang opisyal ng NFA ang umano'y kakapusan ng bansa sa bigas para umangkat ng may 100,000 MT bigas.

Matapos naman ang pagtama ni "Yolanda," ilang establisimyento -- kabilang na ang warehouse ng NFA -- ang pinasok ng looters at tinangay ang mga nakaimbak na bigas. --
RP/FRJ, GMA News