ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Ilang imbensiyon ng Pinoy gaya ng solar powered street light, idodonate sa 'Yolanda' victims


Ilang produkto na nalikha ng mga Pinoy inventor ang ipapadala sa mga biktima ng bagyong "Yolanda." Kabilang dito ang solar powered street light na puwede ring mag-charge ng cellular phone.

Sa ulat ni GMA News reporter Jamie Santos sa "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ng imbentor na si Luis Mencader, sa panimula ay anim na 15ft solar powered street lights ang idodonate niya sa mga sinalanta ng bagyo.

Dahil wala pang kuryente sa mga lugar na sinalanta ng bagyo, maaari umanong magamit ang mga street light upang mailawan ang mga tent city.

Bukod sa puwedeng mag-charge ng cell phone sa naimbentong street light, maaari rin umano nitong paandarin ang 12-volt na nebulizer.



Magbibigay din si Mencader ng mga solar powered lampkits na puwedeng gamitin sa loob ng bahay habang wala pa ring kuryente.

Ang imbentor naman na si Dinky Hementera, ang kaniyang nalikhang organic cleaning solution ang ipadadala sa mga nasalanta ni Yolanda.

Ligtas umanong inumin ang solution na inihahalo sa tubig ang solution na kayang mag-alis ng masamang amoy tulad ng mga bangkay. Magagamit din itong pang-disinfect upang mapatay ang mga organismo na maaaring magdulot ng sakit.

Ang mga bata naman na posibleng nagkaroon ng trauma dahil sa bagyo  ang nais tulungan ng imbentor na si Leonard Mejia Yu. Magdodonate siya ng 300 set ng kaniyang naimbentong Challenge Game Board.

Samantalang si Popoy Pagayon, magbibigay ng naimbento niyang "probaton" o kakaibang uri ng batuta na magagamit para sa seguridad sa mga lugar na napinsala ng bagyo at maiwasan ang mga tinatawag na petty crimes. -- FRJimenez, GMA News