ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Ref raft,' umarya sa dagat at nagbigay ng pag-asa sa mga mangingisdang sinalanta ni 'Yolanda'


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

"It's a ref (refrigerator), it's a raft...it's a ref raft."

Sa gitna ng kalamidad na sinapit ng mga taga-Leyte dulot ng bagyong "Yolanda," gumana ang pagiging malikhain ng ilan nating mga kababayan upang mapakinabangan ang mga basurang iniwan ng kalamidad.

Sa Leyte na pangingisda ang pangunahing ikinabubuhay ng mga tao, ginawang bangka at kinabitan ng layag ng mga mangingisda ang mga nasirang ref upang makapangisda at makapagsimula muli ng kanilang buhay.

Sa ulat ng Reuters, sinabing mahigit 4,000 na ang nasawi sa pananalasa ni "Yolanda" sa Visayas region. Kabilang sa mga pumanaw ay mga mahihirap na mangingisda at magsasaka.
 
Pero maliban sa mga nawalang bahay at buhay, winasak din ng bagyo ang maraming bangka na gamit ng mga mangingida sa kanilang paghahanap-buhay.
 
Ngunit hindi hahayaan ng mga taga-Tanauan, Leyte, na patuloy na pagpatalo kay "Yolanda."
 
Sa pamamagitan ng pag-alis sa mga laman at pinto ng napulot na refrigerator, at  matapos na makabitan ng layag na kawayan, umarya sa karagatan ng Leyte ang "ref raft" para magamit sa pangingisda.
 
Kwento ni Jimmy Obaldo, 52-anyos, unang sumubok ng bangka na gawa sa ref, ang kaniyang mga anak ang nagbigay ng ideya na puwedeng gawing bangka ang ref.
 
Pag-amin pa ng pangingisda, hindi rin madali ang pagsagwan sa ref kaya mas magaang na fishing net ang kanilang gamit sa panghuhuli ng mga isda.
 
Ang mga nahuhuli naman nilang isda, alimasag at iba pang yamang-dagat ay ibinebenta nila sa palengke para kumita ng pera para ipambili sa kanilang mga pangangailangan.
 
Patunay ito may naghihintay na panibagong buhay pagkatapos ng trahedyang dulot ni "Yolanda". -- Reuters/FRJ, GMA News