Babae, sinasabing dahilan ng rambulan ng dalawang grupo ng kabataan
Naaktuhan ng GMA News ang kaguluhan ng dalawang grupo ng kabataan sa Gusa National Highway sa Cagayan de Oro City. Ang sinasabing ugat ng gulo -- babae.
Sa ulat ni Kaye Mercado ng GMA-Northern Mindanao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Huwebes, sinabing armado ng mga bato at patalim ang ilang kabataang sangkot sa kaguluhan.
Pero nang makitang papalapit na ang news team, nagtakbuhan papalayo ang mga kabataan.
Ngunit isa sa mga nabugbog na binatilyo ang naiwan at kamuntik na umanong masaksak ng nakalabang grupo.
Ayon sa kasamahan ng binatilyo, babae ang dahilan kaya nagpag-initan ang kanilang grupo.
Reklamo naman ng ilang residente, madalas umano ang kaguluhan ng mga kabataan sa lugar lalo na pagsapit ng hating-gabi.
Gayunman, ipinaliwanag ng pulisya na wala silang natatanggap na reklamo tungkol dito pero iimbestigahan nila ang naturang insidente. -- FRJ, GMA News