Davao City, maagang ginunita ang World Aids Day; bagong strain ng virus, mas mabilis daw makahawa
Maagang ginunita sa Davao City nitong Biyernes ang World Aids Day na kadalasang isinasagawa sa unang araw ng Disyembre. Kasama ang lungsod sa limang pangunahing lugar sa Pilipinas na may pinakamataas na kaso ng nakamamatay na sakit.
Sa ulat ni Marlon Palma-Gil ng GMA-Davao sa GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon," sinabing mahigit 500 katao ang nakiisa sa pagtitipon na sinimulan sa Freedon Park sa Roxas Avenue.
Mula sa Freedom Park ay magma-martsa ang mga dumalo sa San Pedro St. at sa Rizal Park para naman magdaos ng programa.
Ginagawa ang World Aids Day para bigyan ng impormasyon ang publiko sa peligrong hatid ng naturang sakit at kung papaano ito maiiwasan.
Ayon sa Reproductive Health and Welfare Center ng Department of Health- Region 11, nakaka-alarma ang mabilis na pagtaas ng bilang ng mga nahahawahan ng sakit sa Davao city.
Batay sa talaan ng National Epidemiology Center ng DOH, may panibagong 16 na kaso ng sakit ang naitala sa lungsod.
Nauna nang iniulat na umabot na sa 570 ang kaso ng HIV sa Davao City mula noong 1992. Mahigit 40 sa mga ito ang pumanaw na.
Karamihan umano sa mga dinapuan ng sakit ay nasa edad 50 pataaas, at mga lalaking nakikipagrelasyon sa kapwa lalaki.
Kasabay nito, nadiskubre naman umano ng mga dalubhasa mula sa Sweden ang panibagong strain ng virus na kumakalat na sa West Africa. (Basahin: New, aggressive HIV strain causes AIDS faster)
Mas agresibo umano ang naturang strain at mas mabilis makahawa. -- FRJimenez, GMA News