ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga 'sikreta,' nais ibalik ng mambabatas vs kriminal, barumbadong drayber


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nais ng ilang kongresista na muling magpakalat ng secret marshals o mga "sikreta" ang Philippine National Police (PNP) dahil sa dumadaming kaso ng krimen gaya ng holdapan sa mga pampasaherong sasakyan.

Sa isang panukalang batas na inihain ng mga kinatawan ng party-list group Buhay, inatasan nila ang PNP na magpakalat ng mga hindi nakaunipormeng awtoridad na sasakay sa mga pampublikong sasakyan tulad ng bus upang matiyak na may magbibigay proteksiyon sa mga pasahero.

Bukod sa paghuli sa mga kriminal, magiging trabaho rin ng mga secret marshal sa ilalim ng House Bill No. 3150, na tiyakin na sumusunod sa batas trapiko ang mga drayber ng mga pampublikong sasakyan.

“The police marshals shall be tasked to maintain peace and order while on duty and shall ensure that the drivers of buses or utility vehicles are following the traffic rules,” nakasaad sa pahayag ng grupo nitong Sabado.

“With a marshal on board the public utility vehicles, petty crooks thinking twice, terror plots derailed and reckless drivers disciplined are just a few of the consequences surely welcomed by the riding public,” dagdag nito.

Noong nakaraang linggo, isang pampasaherong bus na puno ng pasahero ang hinoldap ng may apat na lalaki na armado ng baril sa EDSA sa Quezon City.

Inaatasan din sa panukalang batas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) na isumite sa PNP ang listahan ng mga public utility vehicles sa bansa.

Ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang inatasan namang bumuo ng kaukulang patakaran at regulasyon sa pagpapatupad ng panukala.

Ang party-list group Buhay ay kinakatawan sa Kamara de Representantes nina Reps. Mariano Velarde, Jr., Jose Atienza, Jr. at Irwin Tieng. - RP/FRJ, GMA News