2, patay, 15, sugatan matapos araruhin ng trak ang ilang bahay at internet shop sa Cebu
Dalawang tao ang nasawi - kabilang ang isang bata - matapos araruhin ng isang trak ang ilang kabahayan at internet shop sa Barili, Cebu.
Sa ulat ni Elena Pelobello ng GMA-Cebu sa "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Sabado, sinabing 15 iba pang nasugatan ang dinala sa pagamutan.
Bukod sa nasawing 10-taong gulang na bata, namatay din ang isang babae na nagawang mailigtas ang kargang sanggol sa pamamagitan ng paghagis sa paslit bago pa siya tamaan ng trak.
Sa imbestigasyon, sinabi ng drayber ng trak na si Adonis Quinanola, na nawalan ng preno ang trak kaya naararo niya ang mga kabahayan at internet shop.
Pero maayos umano ang kondisyon ng trak nang gamitin niya ito.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulis habang nasa kostudiya ng mga awtoridad ang drayber ng trak. -- FRJ, GMA News