Serbisyo sa isang opisina sa Bacolod City, inireklamo; empleyada, nakitang nagpapalinis ng kuko
Isang lalaki na kukuha sana ng cedula sa extension office ng Treasurer's Office ng Bacolod City ang nadismaya nang hindi siya asikasuhin dahil hindi siya umabot sa itinakdang oras ng cut-off ng kanilang serbisyo. Pero lalo siyang nadismaya nang makita niya ang isang babae sa loob ng tanggapan na nagpapalinis lang ng kuko.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balita Pilipinas Ngayon" nitong Sabado, itinago sa pangalang Paul ang lalaking nadismaya sa patakaran ng nabanggit na tanggapan. Kahit batid niyang hanggang 5:00 p.m. ang dapat na tapos ng trabaho sa mga tanggapan ng gobyerno, may cut-off o hanggang 3:00 p.m. lang tumatanggap ng aasikasuhan ang opisina.
Idinahilan kay Paul ng mga kawani sa opisina na ang 3:00 p.m. cut-off ay nanggaling mismo sa national office umano ng Commission on Audit.
Mayroon ding nakalagay na notice sa labas ng tanggapan na nagsasaad tungkol sa nasabing cut-off sa pagbabayad at pagkuha ng ilang dokumento.
Pero lalong nadismaya si Paul nang makunan niya ng video ang isang babae sa loob ng opisina na nagpapapedicure kahit marami pang tao na dapat serbisyuhan sa labas.
Depensa naman ng mga kawani, ginagawa lamang nila iyon kapag walang inaasikaso at nagpapahinga.
Kinumpirma naman ng City Treasurer Annabelle Badajos, ang ipinatutupad na cut off para mabigyan daw ng sapat na panahon ang mga kawani na maitala ang koleksiyon at maipasok iyon sa cash-book sa bawat araw.
Gayunman, sinabi nito na mali ang ginagawang mga personal na gawain habang nasa opsiina kasama na ang pagpapalinis ng kuko.
Sinabi ng opisyal na papaimbestigahan niya ang naturang insidente. -- FRJ, GMA News