Binatilyo sa CamSur, nasumpak ng 5-anyos na kalaro ng kapatid
Nagpapagaling ngayon sa ospital ang isang 15-anyos na lalaki matapos siyang mabaril ng sumpak ng isang limang-taong-gulang na kalaro ng kaniyang nakababatang kapatid sa Balatan, Camarines Sur.
Sa ulat ng GMA News TV's "Balitanghali" nitong Martes, sinabing pinapasok daw ng nakababatang kapatid ng biktima ang lima nitong batang kalaro sa kanilang bahay.
Sa hindi pa malamang dahilan, nagawang makuha ng bata ang sumpak na pagmamay-ari umano ng kanilang ama at pinaglaruan ito hanggang sa aksidenteng pumutok.
Nagtamo ng mga sugat sa tiyan, kamay at braso ang binatilyo. Nagtamo rin ng sugat ang bata.
Ayon kay Police Sr. Insp. Gary Mangente, inaresto nila ang ama ng binatilyo matapos siyang ituro na may-ari ng baril. Gayunman, itinanggi ng ama na sa kaniya ang sumpak.
Ipinaliwanag nito na ipinatago lang sa kanya ang sumpak ng isang kaibigan. Pero bukod sa sumpak, isang kalibre 22 na baril din ang nakuha sa bahay nito.
Sasampahan ng kasong reckless imprudence resulting to serious physical injury at illegal possession of firearms ang ama. -- FRJ, GMA News