ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Emergency Management Agency na kapalit ng NDRRMC, itinutulak sa Senado
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ayon sa isang senador, panahon na para magtatag ng Emergency Management Agency (EMA), isang permanenteng ahensiya na ipapalit sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Kasunod ito sa naging performance ng NDRRMC sa katatapos na paghagupit ng ‘super typhoon Yolanda sa Kabisayaan.
Sa Senate Bill No. 819 na inihain ni Sen. Antonio Trillanes, direktang mapasasailalim sa Office of the President ang EMA para mabigyan ng sapat na pondo at kapangyarihan sa pagpapatupad ng nararapat na mga polisiya.
Aniya, sa pagdinig ng Senate Committee on National Defense and Security, nabatid na maraming butas ang RA 10121 o ang batas na lumikha sa NDRRMC, kung kaya't kailangan nito ng pagsususog.
Aniya, bilang isang tanggapan sa ilalim ng Department of National Defense (DND), nakikiamot pa ito mula sa maliit na budget ng ahensiya.
“Sa kasalukuyan, ang kalihim ng DND ay siya ring nagsisilbing chairman ng NDRRMC. Ngunit dahil sa dami ng kanyang tungkulin sa DND, nakakatutok lamang siya sa NDRRMC sa panahon na ng mga kalamidad,” paliwanag ni Trillanes.
Sasaklawin ng pinapanukalang EMA ang lahat ng aspeto ng emergency situations.
Ayon sa senador, “ang EMA ay mamamahala din sa iba’t-ibang national emergency situations dulot ng man-made disaster gaya ng sunog, pagkalat ng sakit o epidemya at iba pa.”
Lilikha ito ng mga polisiya na bawasan ang panganib dulot ng mga kalamidad, maiwasan ang pinsala sa buhay at ari-arian, at magsasagawa ng mabilis at epektibong pagtugon sa mga sakuna.
Magpapatupad din ng mabilis na paraan ng pagsasaayos matapos ang mga kalamidad.
Aatasan din itong mag-labas ng isang komprehensibong national emergency and disaster preparedness plan.
“Taon-taon, iba’t-ibang uri ng kalamidad at emergencies ang dinaranas ng ating bansa. Dahil dito, kailangan ang mas pinaigting na mekanismo ng disaster preparedness at mitigation response sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang full-time agency,” saad pa ng senador. — Linda Bohol/JDS, GMA News
More Videos
Most Popular