Dapat bang payagang makauwi ng kaniyang bahay ngayong Pasko si Gloria Arroyo?
Sa ikalawang pagkakataon, hiniling ng ilang mambabatas na payagan ng korte si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo na makalabas ng kaniyang "piitan" at makapagdiwang ng Pasko at Bagong Taon sa kaniyang tahanan ang dating lider kapiling ang kaniyang mga mahal sa buhay.
Sa ngayon, nananatiling naka-hospital arrest at nakadetine si Arroyo sa Veterans Memorial and Medical Center (VMMC) sa Quezon City dahil sa kinakaharap nitong mga kaso tulad ng plunder at electoral sabotage.
Sa resoluyon na inihaian sa Kamara de Representantes na pinirmahan ng mahigit 70 kongresista, hiniling nila sa Sandiganbayan na payagan si Arroyo na makauwi mula December 21 hanggang December 30.
"Humanitarian and compassionate considerations" ang sinasabing dahilan ng mga mambabatas para payagan ng korte si Arroyo mapagkalooban ng Christmas furlough ngayong taon.
Ayon kay 1-Barangay Ating Paunlarin (BAP) party-list Rep. Silvestre Bello III, nagsilbing dating opisyal sa rehimeng Arroyo, hindi pa rin maganda ang kalagayan ng dating pangulo na mayroong problema sa kaniyang buto sa leeg.
“I have not heard any word from her nor her family,” ani Bello. “From my layman’s point of view, GMA is very ill.”
Noong 2012, hiniling na rin ito ng kampo at tagasuporta ni Arroyo na makalabas ng VMMC pero hindi rin pinagbigyan ng Sandiganbayan.
Ipinauubaya naman ng Malacanang sa korte ang pagpapasya kung dapat o hindi dapat payagan na makauwi ng kaniyang bahay ang dating pangulo.
"Ang hurisdiksyon po sa kanya ay wala po sa amin; ito po nasa ilalim ng hurisdiksyon ng Sandiganbayan at ng Regional Trial Court of Pasay City, na kung saan nakalagak iyong mga kasong naihayag laban sa kaniya," pahayag ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr.
Pero kung si dating First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo ang tatanungin, nakasalalay sa Palasyo ang desisyon kung papayagan ang kaniyang maybahay na pansamantalang makalabas ng VMMC.
Kaya naman umapela siya kay Pangulong Benigno Aquino III na mahabag sa kalagayan ng dating pangulo na patuloy umano ang pagbagsak ng timbang.
Batay umano sa mga duktor, makatutulong sa paggaling ni Arroyo ang makapiling ang mga mahal sa buhay.
Sinabi naman ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ni Arroyo, na sakabila ng apela ni FG Arroyo, hindi maghahain ng petisyon ang kaniyang kliyente para hilingin sa korte na payagan siyang makalabas pansamantala ng VMMC ngayong Pasko para makasama ang pamilya sa kaniyang bahay. -- FRJimenez, GMA News