Opisyal ng CBCP, may pakiusap sa mga kabataang dumadalo sa Simbang Gabi
May pakiusap ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa mga kabataaan na dumadalo sa tradisyunal na Simbang Gabi ng mga Pilipino na nagsimula nitong Lunes.
Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Martes, sinabi ni Manila auxiliary bishop Broderick Pabillo, chairman ng Episcopal Commission on Public Affairs ng CBCP, na dapat isapuso ng mga kabataan ang tunay na kahalagahan at kahulugan ng Simbang Gabi.
“Talagang magsimba, nalulungkot ako ang iba nagpupunta sa church hindi tunay na nagdadasal at nakikinig. Nawa'y gawin nilang tunay na pagsisimba ang kanilang ginagawa sa loob ng simbahan ngayong Simbang Gabi,” pakiusap ni Pabillo sa panayam ng Radio Veritas.
May mga pananaw na mayroong mga kabataan na pakikipagbarkada at panliligaw ang tunay na pakay sa Simbang Gabi at hindi naman talaga ang pagdalo sa misa.
Sa hiwalay ng panayam ng nasabing himpilan ng radyo, hinimok ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari, ang mga kabataan na isama sa kanilang panalangin at gawing inspirasyon sa pagsisimbang gabi ang mga naging biktima ng mga kalamidad sa bansa.
“Napakahalaga na may personal decision na yung pagsisimba na hindi lamang dahil sa pinipilit sila ng magulang nila at napakahalaga din yung participation nila sa misa," paliwanag ng obispo.
"Make the most of their time that they are in church. Actively participate dun sa liturgy. Kung minsan kasi yung sumasabay lang sa barkada o may nililigawan. Sana ay palalimin nila, gawin pa nilang mas noble ang dahilan," dagdag Mallari.
Kasabay nito, nagpahayag naman ng kasiyahan si Pabillo dahil dahil marami pa rin ang dumadalo sa Simbang Gabi sa mga lugar na sinalanta ng bagyong "Yolanda."
Ito umano ay pagpapakita ng maigting na pananampalataya ng mga survivor sa Maykapal para magpasalamat at humingi na rin ng awa at gabay. -- MP/FRJ, GMA News