Showdown ng Kamara at SC, napipinto dahil sa pinapatalsik na Marinduque solon
Posibleng magbanggaan ang Kamara de Representantes at Korte Suprema, at humantong sa "constitutional crisis" ang usapin sa pagpapatalsik kay Marinduque Rep. Regina Reyes.
Nitong Martes, inirekomenda ng mataas na lider ng Kamara na si House Majority Leader Rep. Neptali Gonzales II (Mandaluyong), na hindi dapat kilalanin ni Speaker Feliciano Belmonte Jr., ang naging desisyon ng mga mahistrado ng SC na nagdidiskuwalipika kay Reyes.
Sa panayam ng media, iginiit ni Gonzales na tanging ang House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) lamang ang may karapatan na duminig sa mga protesta laban sa pagkapanalo ng mga naiproklamang kongresista.
Kapag tinanggap ng liderato ng desisyon ng SC, sinabi ni Gonzales na mistulang binigyan nila ng dagdag na kapangyarihan ng Commission on Elections (Comelec) na patalsikin ang mga naiproklama at nanalong kongresista pagkatapos ng halalan sa pamamagitan ng pagdulog sa SC gaya ng kaso ni Reyes.
Paliwanag pa ng lider ng mayorya, hindi rin kasama at naging bahagi ng diskusyon sa kaso ni Reyes sa SC ang Kamara. Ang pinakamabuti umanong gawin ng mga naghahabol kay Reyes ay nagsampa na rin lang ng petisyon o quo warranto case sa HRET upang habulin ang pananatili nito sa Kamara.
“Hindi naman kami nagsimula niyan (gulo). You have to be conscious kung ano ang future ng congressmen sa laki ng poder na ibibigay mo sa Comelec,” giit ni Gonzales.
Kinuwestiyon din niya ang pananaw ng SC tungkol sa ginawang panunumpa ni Reyes sa Speaker habang walang sesyon.
“Ang sinabi ng SC ang oath ni Reyes is not effective because it was not before the Speaker in open session. Ang sinabi ko, kung iyan ang susundin natin Speaker sino ang ipapatawag ni (House) Secretary General to attend the opening of the session dahil hindi pa tayo
nakaka-oath dahil wala pa tayong Speaker? To my mind, medyo kalokohan,” paliwanag ni Gonzales.
Tinalo ni Reyes sa nakaraang May 2013 elections si dating Marinduque Rep. Lord Allan Velasco, anak ni SC Associate Justice Presbitero Velasco.
Kinatigan ng SC ang reklamo ng Comelec na dapat idiskwalipika si Reyes dahil sa pagiging American citizen umano nito.
Ngunit iginiit ni Gonzales na saklaw na ng HRET ang kaso ni Reyes matapos itong iproklama ng Board of Canvassers at makapanumpa sa kaniyang tanggapan.
“Ngayon kasi, when you are already proclaimed by the Board of Canvassers and taken your oath, wala nang jurisdiction ang Comelec," giit ng lider ng Kamara.
Kasabay nito, naghain ng resolusyon si Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali upang iginiit na HRET at hindi ang SC ang dapat duminig sa disqualification case laban kay Reyes. Umabot na sa 164 mambabatas ang sumuporta sa naturang resolusyon. -- RPP/FRJ, GMA News