ERC Chair Ducut, hindi magbibitiw sa puwesto; karapatan sa batas, iginiit
Sa kabila ng panawagan na magbitiw sa puwesto dahil sa pagkakadawit sa pork barrel scandal, inihayag ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson na haharapin niya ang mga alegasyon na ipinupukol sa kanya.
Sa ulat ng GMA news "24 Oras" nitong Martes, iginiit ni Ducut na mayroon siyang karapatan na idepensa ang kaniyang sarili sa ilalim ng batas.
"Gustuhin ko mang sumagot punto por punto, hindi ko magawa dahil wala pa akong basehan. Pero in due time, sasagot ako at I'm willing and open to an investigation," paliwanag ni Ducut, dating kongresista ng Pampanga.
"Give me naman the chance of due process. Abogado naman po ako, alam ko na mayroon po akong mga karapatan sa batas," dagdag pa ng opisyal.
Una rito, sinabi ni Senador Antonio Trillanes IV na dapat magbitiw na sa kaniyang posisyon si Ducut dahil sa pagkakasangkot sa anomalya sa paggamit ng mga mambabatas ng kanilang priority assistance development fund (PDAF).
Si Ducut ay idinawit ng whistleblower na si Benhur Luy sa kaniyang dating amo na si Janet Lim Napoles.
"Dapat mag-resign na 'yan... Mag-a-apply lang tayo ng political pressure. Lahat naman 'yan bumibigay," ayon kay Trillanes.
Bagaman naitalaga sa ERC sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, sinabi ni Ducut na may tiwala siya na magiging patas ang gobyerno ni Pangulong Benigno Aquino III.
"Malaki po ang aking respeto sa kanya at alam ko na reasonable siyang tao at may katarungan," pahayag ni Ducut.
Basahin: Palace exec: Leave, resignation up to ERC chief
Kamakailan lang ay inihayag ng Palasyo na ipinauubaya nila kay Ducut ang desisyon kung magbibitiw ito sa puwesto gaya ng ginawa ni dating Custom Commission Ruffy Biazon na nadawit din sa pork barrel scandal. -- FRJ, GMA News
<iframe src="http://www.gmanetwork.com/news/evideo/187101/erc-chairperson-ducut-hindi-magre-resign-kahit-nadadawit-sa-pdaf-scam" width="640" height="380" frameborder="0"></iframe>