ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Charter change, target maaprubahan ng Kamara sa unang bahagi ng 2014


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Kahit malamig si Pangulong Benigno Aquino III sa plano na amyendahan ang Konstitusyon, inihayag ng kaniyang kapartido sa Liberal Party (LP) na si Speaker Feliciano Belmonte Jr., na kasama sa mga prayoridad na tatalakayin sa Kamara de Representantes sa 2014 ang panukalang batas tungkol sa Charter charge.

“We will push through with it (Charter change),” pahayag ni Belmonte sa mga mamamahayag. "We will approve it in the House, and I am hopeful that the Senate will do the same.”

Muling magbubukas ang sesyon ng Kongreso sa Enero 20, 2014 matapos ang Christmas break. Umaasa si Belmonte na maipapasa nila ang panukalang batas sa unang bahagi ng 2014.

Sa kabila nito, tiniyak ni Belmonte na itutuon lamang nila sa economic provisions at hindi kasama ang isyung pulitikal sa mga babaguhin bahagi ng Saligang Batas.

Umaasa rin ang lider ng Kamara na makukumbinsi pa rin nila si Aquino na magbago ng paninindigan tungkol sa Charter change. (Basahin: PNoy 'not looking at' revising PHL Constitution)

Ipinaliwanag ni Belmonte na ang bawat probisyon na babaguhin sa Saligang Batas ay maaprubahan kapag nakuha ang three-fourth votes ng mga kasapi ng dalawang kapulungan ng Kongreso (Kamara at Senado).

Magkakaroon din ng hiwalay na botohan ang mga kasapi ng Kamara (mga kongresista) at Senado (mga senador). (Basahin: PNoy position on Chacha unchanged; Binay warns of 'Pandora's box')

Kabilang umano sa mga probisyon na matatalakay sa Cha-cha ay ang ownership at exploration sa kalupaan, mga likas-yaman at negosyo -- kasama na ang media at advertising.

Partikular na nais baguhin ng ilang mambabatas ay 60-40 equity proportions sa sosyo ng mga Pinoy at dayuhang namumuhunan, at payagang makapag-may ari ng lupa ang mga dayuhang negosyante sa bansa. - RP/FRJ, GMA News