ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hiling ni Gloria Arroyo ngayong Pasko, pinagbigyan ng Sandiganbayan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinayagan ng Sandiganbayan nitong Huwebes ang kahilingan ni dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Arroyo na makasama ang kaniyang pamilya sa ospital sa December 24, 25, 31 at January 1, 2014.

Sa resolusyon ng korte, sinabing hindi kinontra ng panig ng prosekusyon ang inihaing urgent motion ng kampo ni Arroyo noong nakaraang linggo.
 
"... for humanitarian considerations, and there being no objection/opposition from the prosecution, the court hereby grants the said motion and as prayed for, accused Arroyo’s immediate family members…are hereby allowed to be and stay with the accused the whole day of December 24, the whole day of December 25, the whole day of December 31 and the whole day of January 1 at her detention quarters at the Veterans Memorial Medical Center,” paliwanag ng korte.
 
Ngayong Disyembre, nagpalabas ng bagong direktiba ang mga nagbabatay kay Arroyo sa VMMC na hanggang 9:30 p.m. lamang maaaring manatili sa pagamutan ang mga bisita ng dating lider.

Nakasalukuyang nakadetine si Arroyo sa VMMC dahil sa kinakaharap nitong mga kaso tulad ng electoral sabotage at plunder.

Samantala, sinabi ni Presidential Communications Operations Office head Herminio Coloma Jr. na nalulugod ang Malacañang sa naging desisyon ng Sandiganbayan na payagan si Arroyo na makasama ang pamilya nito sa Pasko at bagong taon.
 
Nang tanungin kung ano ang Christmas wish ng Palasyo, tugon ni Coloma: "Lahat naman tayo Christmas wish ng Palasyo ay umaasa na ang katahimikan at ang kapayapaan at ang kabutihan ang iiral sa panahon ng Kapaskuhan." 

Una rito, hiniling ng ilang kongresista at maging si dating First Gentleman Mike Arroyo na payagan si Arroyo na makapalabas ng VMMC upang makapiling ang mga kaanak nito sa Pasko at bagong taon. -- FRJ, GMA News