ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga residente na naapektuhan ng oil spill sa Iloilo, pinababalik na


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinayagan na ang mga residenteng naapektuhan ng tumagas na langis mula sa isang power barge na sinira ng bagyong "Yolanda" sa Estancia, Iloilo, na bumalik na sa kanilang mga tirahan.
 
Ito ay makaraang tiyakin ng Department of Health na ligtas na ang antas ng kemikal sa hangin sa lugar, ayon sa ulat ng Iloilo-based The Daily Guardian nitong Biyernes.
 
Sinabi sa ulat na ipinagbigay-alam na umano ni DOH Western Visayas regional director Dr. Marlyn Convocar kay Iloilo Gov. Arthur Defensor Sr. na "cleared of any danger" ang hangin sa lugar.

Noong nakaraang buwan, iniutos ng DOH na ilikas ang mga residente sa lugar na apektado ng oil spill matapos umabot sa 16.9 parts per million benzene content ng hangin na nalalanghap ng mga tao, malayo sa permissible limit na 0.5 ppm.
 
Kabilang sa mga sumubaybay sa kalagayan ng hangin sa Botongan ang joint team mula sa East Avenue Medical Center-Poison Control Unit, National Center for Disease Prevention Control, DOH-6, at ang Environmental Management Bureau (EMB-6) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-6).
 
Sinabi ni Gov. Defensor na puwede nang bumalik na sa lugar ang mga residente na mayroong pang bahay na babalikan. Maaari namang manatili sa mga evacuation center ang mga residente na nawalan ng bahay dahil sa bagyong "Yolanda."
 
Kasabay nito, patuloy pa rin ang isinasagawang clean-up operation sa kumalat na langis at ang pag-alis sa sumadsad na power barge. -- FRJ, GMA news