ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P50-M halaga ng alahas, natangay ng mga kawatan sa isang jewelry shop sa Isabela


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Naglaaan ng P3 milyon pabuya ang may-ari ng isang jewelry shop sa Santiago, Isabela para mahuli ang mga taong nanloob sa kaniyang tindahan at nakatangay ng aabot sa P50 milyong halaga ng mga alahas.

Sa ulat ni Julius Segovia sa GMA News TV's "Balitanghali" nitong Biyernes, sinabing nakapasok sa jewelry shop na nasa loob ng isang mall ang mga suspek sa pamamagitan ng pagbutas sa bubungan at pagdaan sa kisame.

Bago ang pagnanakaw, napag-laman ng pulisya na nag-check-in ang mga suspek sa isang hotel na katabi ng mall.



Binutas din ng mga suspek ang kisame at bubungan ng hotel para makarating sa katabing mall.

Nakunan sa CCTV ang ginawang paglimas ng mga suspek sa mga alahas sa shop.

Bagaman hindi nagpaunlak ng panayam ang may-ari ng jewelry shop sa harap ng camera, sinabi nito na handa silang magbigay ng pabuyang hanggang P3 milyon sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga magnanakaw.

Pinag-iisipan rin daw ng may-ari ng shop na magsampa ng kaso laban sa pamunuan ng mall dahil sa umano'y kapabayaan sa seguridad.

Sinabi sa ulat na tatlo lang umano ang guwardiya ng mall nang mangyari ang krimen.  Tumanggi munang magbigay ng pahayag ang pamunuan ng mall tungkol sa nangyaring insidente. -- FRJ, GMA News