ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagtataas ng Meralco sa singil sa kuryente, ipinatigil ng Korte Suprema


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Ipinatigil ng Korte Suprema nitong Lunes ang pagtataas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco), dalawang linggo matapos itong pahintulutan ng Energy Regulatory Commission.
 
Nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na hindi maaaring magpataw ng karagdagang P4.15 per kilowatt hour na singil sa kuryente ang Meralco sa loob ng dalawang buwan o 60 na araw.
 
Sa ika-21 ng Enero 2014, nakatakdang dinggin ng korte ang kasong ito.
 
Inatasan din ng Korte Suprema ang kampo ng Meralco at ERC na magpasa ng kani-kanilang petisyon kaugnay ng isyu bago ang ika-8 ng Enero.
 
Sa naunang paliwanag ng Meralco, sinabi nitong napilitan lamang itong magtaas ng singil matapos kumuha rin ng mas mataas na presyo ng kuryente mula sa Wholesale Electricity Spot Market. Naka-apekto umano ang pansamantalang pagsasara ng Malampaya power plant sa Palawan kaya’t kinailangan nilang kumuha sa ibang supplier ng karagdagan 2,700-megawatt.
 
Dalawang petisyon ang inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa naging desisyon ng ERC at Meralco. Ang unang petisyon ay inihain ng mga party-list, at ang ikalawa naman ay mula sa mga consumer group.
 
Sa isang panayam, sinabi ni Edwin Lacierda, tagapagsalita ng Pangulo, na mayroon ding bukod na imbestigasyon sa maaaring naging sabwatan ng mga malalaking kumpanya at ilang ahensya ng gobyerno upang maipatupad ang panibagong pagtataas ng kuryente.
 
"So let’s wait for that investigation proper. But also ERC, I understand, is also looking into it. So I cannot say anything other than the fact that let’s just wait for the results of the investigation," ani Lacierda.
 
Sa isang bukod na panayam, sinabi naman ni Theodore Te, tagapagsalita ng Korte Suprema, na sa susunod na desisyon ng korte malalaman kung ano ang mangyayari sa mga naibayad na ng konsyumer sa Meralco dahil nakapagsimula na ito ng mas mataas na pagsingil sa kuryente nitong Disyembre.
 
“As a general statement, a restraining order restores the status quo as of a specific date (today) by stopping certain acts from being done,” aniya.
 
“Now as to the question on the rates already collected, that is not within the scope of our restraining order but it would probably be addressed once the court decides,” dagdag nito. — Rouchelle R. Dinglasan/JDS, GMA News