Unang biktima ng ligaw na bala ngayong holiday season, nagmula sa Ormoc City
Nanggaling sa Ormoc City, isa mga lugar na sinalanta ng bagyong "Yolanda," ang unang biktima ng ligaw na bala ilang araw bago ang pagsalubong sa bagong taon, ayon sa Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.
Sa post sa kaniyang Twitter account, sinabi ni Health Assistant Secretary Eric Tayag, na ang biktima ay 23-anyos na lalaki, at tinamaan ng ligaw na bala habang nasa kaniyang bahay sa Ormoc City nitong 1:30 a.m. ng Lunes.
Sinabi ni Tayag na dinala na ang biktima sa Vicente Sotto Medical Center sa Cebu city para maoperahan ang tinamo nitong sugat sa kaliwang "femur" (thigh bone).
Kabilang ang Ormoc City sa Leyte sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa matinding pinsala na tinamo sa pananalasa ni "Yolanda" noong nakaraang buwan.
Noong nakaraang taon, naging mainit ang diskusyon sa pagmamay-ari ng baril matapos tamaan ng ligaw na bala at masawi ang pitong-taong-gulang na si Stephanie Nicole Ella sa Caloocan City.
Tinamaan ng bala sa ulo si Ella habang nasa labas ng kanilang bahay at nanonood sa selebrasyon sa pagsalubong sa bagong taon.
Ilang lalaki ang dinakip at inimbestigahan ng pulisya sa hinalang sila ang nakapatay sa bata pero walang pormal na nakasuhan.
Kasabay nito, sinabi ni Tayag na umabot na sa 42 ang naitala nilang kaso ng firework-related injuries. -- FRJ, GMA News