UK, tiniyak na patuloy na tutulong sa mga biktima ni 'Yolanda'
Muling tiniyak ng United Kingdom sa Pilipinas nitong Miyerkules na ipagpapatuloy nito ang pagsisikap na makalikom ng pondo upang matulungan ang mga biktima ng super typhoon "Yolanda" (Haiyan).
Ayon kay UK Ambassador to the Philippines Asif Ahmad, nakatanggap ang kanilang gobyerno ng "strong message" mula sa kanilang mga mamamayan na ipagpatuloy ang pagbibigay tulong sa mga naging biktima ng bagyo.
"The people of Britain continue their massive fund raising effort to help the victims of Typhoon Yolanda," pahayag ng embahador sa kanyang Twitter account.
Sinabi ni Ahmad, na ang pangangalap ng pondo ay isinasagawa ng Disaster Emergency Committee, isang koalisyon ng 14 na pangunahing aid charities sa UK.
Ito umano ay isang malakas na mensahe sa kanilang para ipagpatuloy ng gobyerno ng UK ang pagtulong sa Pilipinas.
Naganap ang pananalasa ni "Yolanda" noong Nobyembre 8 kung saan umabot na sa 6,100 katao ang nasawi, at halos 2,000 naman ang nawawala.
"Our hearts and minds are with Pinoys as they rise again from this tragedy," ani Ahmad.
Noong Martes, sinabi ng UK na magbibigay ito ng P1.1 bilyong halaga para sa "long-term support" sa rehabilitasyon sa mga lugar na apektado sa bagyo.
Layunin umano nilang makatulong para maitayo ang mga nawasak na tahanan at makapagtrabaho na muli ang mga nakaligtas sa kalamidad.
Sinabi ni UK International Development Secretary Justine Greening, na ang pangmatagalang suporta ng UK ay kinapapalooban ng pinansiyal na tulong at kaalaman, " to rebuild homes, get people back into work, and protect the most vulnerable, especially girls and women."
"By supporting the reconstruction and recovery effort in the Philippines we are helping the victims of Typhoon Haiyan rebuild their lives and secure a better future," dagdag niya. -- Amanda Fernandez/FRJ, GMA News