Bata sa Ilocos Norte, nalapnos ang daliri dahil sa 'piccolo'
Isang bata sa San Nicolas, Ilocos Norte ang halos nalapnos ang dalawang daliri matapos pumutok sa kamay ang sinindihang "Piccolo."
Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, ikinuwento ng ina ng bata na si Henny Jon Resurreccion na umuwing duguan ang kamay ng kaniyang anak nitong Miyerkules.
Nabili raw ng bata ang piccolo sa kapitbahay. Nang sindihan niya ito, agad itong pumutok bago pa niya mabitawan.
Ayon sa Provincial Health Office, si Resurreccion ang ikatlong biktima ng paputok sa lalawigan ngayong Disyembre.
Sa tala ng Department of Health, mayroong 77 kaso ng firecracker related injuries sa bansa mula nitong Disyembre 21. Gayunman, mas mababa pa rin ito sa naitalang 116 insidente sa katulad na panahon noong nakaraang taon.
Kahit mababa ang bilang ng mga biktima ngayong taon, puspusan pa rin ang kampanya ng DOH at iba pang grupo laban sa paggamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon. -- FRJ, GMA News