Edwin Ermita ang vice gov ni Vilma
Kinumpirma nitong Martes ni Edwin Ermita , anak ni Executive Secretary Eduardo Ermita, na siya ang napili ni Lipa City Mayor Vilma Santos bilang runningmate sa pagkandidato ng huli bilang gobernador ng Batangas sa darating na eleksyon. Sa panayam sa Balitanghali ng QTV-11, sinabi ng nakababatang Ermita, isang bankero, mismong si Santos ang kumausap sa kanya noong Lunes upang ipabatid ang desisyong kunin siyang bise-gobernador. "Nakapag-usap na kami kahapon ni Mayor Vi at sinabi niya sa akin na ako ang kanyang magiging vice governor," pahayag ni Ermita. Ipinahayag ni Santos ang kanyang desisyong kumandidato sa pagka-gobernador at kalabanin ang kasalukuyang nakaupo na si Gov. Armand Sanchez at kanyang bayaw na si Vice Gov Richard Recto noong Lunes matapos humingi ng isang linggong palugit sa kanyang mga taga-suporta. Inamin ni Ermita na kinakailangan niyang kumayod ng doble at magsipag sa pangangampanya upang makilala at umangat ang kanyang pangalan sa mga survey. âTayo naman po ay magsisipag na umikot upang gumanda rin po ang ating survey", ayon dito. Sinabi ni Batangas provincial board member Mark Leviste, na nagpaplanong tumakbo sa pagka-bise gobernador, sa hiwalay na panayam sa Balitanghali na siya ang nangunguna sa mga nakaraang survey sa probinsiya. Lumabas lamang umano ang pangalan ng kanyang makakalabang aktor na si Christopher de Leon at Leviste nitong mga nakararaan. Sinabi nito na sa huling survey ay pangatlo si De Leon habang kulelat naman si Ermita. Nauna nang napaulat na si De Leon ay magiging runningmate ni Sanchez. Naniniwala si Ermita na walang magiging problema ang kanyang pagtakbo kahit pa magkapartido sila ni Leviste sa Lakas-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD). Sinabi niya na siya ang opisyal na kandidato ng Lakas sa pagka-bise gobernador makaraan siyang iendorso ng mga alkalde ng Batangas. Alam umano ito ni Leviste. âAlam po ni Mr Leviste yun at nakausap na po nila si Speaker (Jose) de Venecia, ang pamunuan ng lakas at inendorso po ako ng mga Lakas mayors dito sa Batangas," pahayag ni Ermita.. Idinagdag pa na nakatanggap siya ng impormasyon na lilipat sa Kabalikat ng Malayang Pilipino, partido ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, si Leviste. - Amita Legaspi, GMANews.TV