ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Away politika, nagpapabagal sa pamamahagi ng tulong sa mga nasalanta


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Tatlong linggo ang nakalipas bago nakatanggap ng tulong galing sa gobyerno ang pamilya ni Nena Obrero matapos masalanta ng Bagyong Yolanda ang Visayas.
 
Kabilang sa nasira ng bagyo ay ang Barangay Guindapunan, kung saan nakatira si Obrero, sa Palo, Eastern Leyte, kung saan mahigit 1,000 tao ang namatay noong Nobyembre 8.
 
Nabuhay sa bigay ng kawanggawa at simbahan ang pitong magkakapamilya, ngunit hindi sila nabigyan mula sa apat na kargado ng bigas na galing munisipyo at lumagpas sa Guindapunan bago sila alukin ng tulong.
 
Ani Obrero at ilan pa niyang kababayan, hindi daw sila hinahatiran ng tulong dahil sa away politika.
 
Sabi ni Obrero, ang hinanakit ni Remedios Petilla, alkalde ng Palo, at ni Annalisa Yu, dating barangay captain ng Guindapunan, sa isa't-isa ang dahilan kung bakit sila hindi nahahatiran ng tulong.
 
Anak ni Petilla ang gobernador ng probinsya at isang miyembro ng gabinete ni Pangulong Benigno Aquino III. Si Yu, na asawa ng barangay captain ng Guindapunan ngayon, ay kapartido naman ng dalawang pamangkin ni Imelda Marcos, dating unang ginang.
 
Bahagi sila ng away sa pagitan ng mga Romualdez, ang angkan ng biyuda ng dating diktador na si Ferdinand Marcos, at ng mga Aquino, angkan ng Pangulo at ng dating karibal ng diktador na si Benigno Aquino Jr.
 
"Lagi silang nagaaway," sabi ni Obrero habang naghihintay sa labas ng kanyang nasirang tindahan, dalawang araw bago nagpadala ng food packs ang alkalde sa kanyang lugar. "Naiipit kami sa gitna."
 
Paliwanag ni Petilla, idinaan sa ibang pinuno ng Guindapawan ang tulong ng munisipiyo dahil raw hindi humingi sa kanya ng tulong si Yu at hindi sinasadya na may nakaligtaang bigyan ng tulong.
 
"We cannot really be perfect. Maybe one or two didn't get (anything), but on the whole they were given," sabi ni Petilla.
 
Karaniwan na ang mga paratang ng "color-coding" -o piling pamimigay ng tulong ayon sa alyansang pulitikal- sa mga bayang nasalanta ng bagyo. 
 
Sa pagtukoy kung alis sa mga paratang ang may katotohanan, mahirap hiwalayin kung ilan dito ang may halong politika at kung alin ang nangyari lamang dahil sa lawak ng relief efforts.
 
Ngunit sa mga panayam sa higit 50 opisyal mula sa gobyerno, lokal na mga pinuno at residente sa kalakhang Leyte, tila ng pakikipagtunggalian at pangaabuso ang mga operasyon na ito.
 
Nagbabantang mapapabagal pa ng away politika na ito ang pagbangon muli ng Leyte, isang proseso na magkakahalaga ng bilyong dolyar at magtatagal ng ilang taon bago matapos.
 
Mahigit 6,100 na tao ang namatay at milyon ang nawalan ng tirahan dahil sa Yolanda. Marami ay namatay dulot ng silakbo, o mga alon na mala-tsunami ang taas.
 
Ipinagtanggol ni Aquino ang kanyang sarili at si Interior Secretary Mar Roxas laban sa mga paratang ng alkalde ng Lungsod ng Tacloban na nagpabagal sa pag-responde ng gobyerno ang namamagitan na away sa kanilang mga angkan. Pamangkin ni Imelda Marcos ang alkalde ng lungsod na si Alfred Romualdez.
 
Hindi raw dahil sa away kundi sa tindi ng pangangailangan ang batayan ng paglalaan ng relief goods, depensa ng opisina ni Aquino. Pinabulaanan rin ni Roxas ang mga paratang ni Romualdez.
 
Kung tatanungin si Secretary Herminio Coloma Jr ng Presidential Communications Operations Office, gumagana naman raw ang relief system ng gobyerno.
 
"[The National Disaster Risk Reduction Management Council] structure is in place. Local units report to, and are accountable to national organization. The Department of Social Welfare and Development ensures that those still in evacuation centers will get food packs. The Department of Public Works and Highways constructs bunkhouses," ang sabi nito.
 
Idiniin ni Coloma na ang lahat ng lokal na opisyal, kabilang ang mga alkalde, ay napapasailalim pa rin sa pagdidisiplina ng Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal.
 
Inulit rin niya ang papel ni dating senador at ngayo'y rehabilitation czar Panfilo Lacson sa pangunguna ng [reconstruction efforts] sa mga nasalanta ng Yolanda.
 
"The National Bureau of Investigation and the Department of Health are primarily responsible for identifying and burying bodies in coordination with local government units," dagdag ni Coloma.
 
Galing ang mga paghihinakit sa iskandalong kinasangkutan umano ng ilang mambabatas, kabilang ang ilan sa kaalyado ni Aquini, kamakailan kung saan sinamsam daw ang pondo na dapat nakalaan sa mga proyekto ng lokal na pamahalaan. Labis na pagkagalit daw ang dahilan kung bakit iniiwasan ni Aquino ang iskandalo, ngunit marami ang nagduda sa kanyang kampanyang linisin ang korapsyon sa pamahalaan.
 
Ayon sa mga eksperto, hindi naalis ang pagdududa ng marami na mapapasama ang nailaan na tulong sa mga biktima ng bagyo, kahit na naglabas ng website ang gobyerno na magbibigay impormasyon kung paano ito ginagamit.
 
"The way his administration implements the rehabilitation plan and uses the assistance from foreign countries and international organizations could become his greatest political challenge yet," sabi ni Richard Jacobson ng security consultancy na Pacific Strategies and Assessments.
 
Nakakatanggap ang mga biktima ng tulong sa pamamagitan ng dalawang paraan: mula sa kanilang munisipalidad, na tumatanggap galing sa pamahalaan, at mula sa non-profit organizations at iba pang grupo.
 
Ilan sa international aid agencie na nakapanayam ng Reuters ay nagsabi na nakatrabaho nila ang ilang politiko sa pamamahagi ng tulong, ngunit marami sa kanila ang diretso nang nagbibigay sa mga nasalanta, upang makarating ang tulong nila sa dapat nitong datnan.
 
"Politics runs deep in this country," paliwanag ng ehekutibo ng isa sa pinakamalaking non-profit aid agency sa mundo. Dinagdag pa nito na matagal nang problema ang pamimili ng pagbibigyan ng tulong sa nakaraang mga sakuna.
 
"If you give it to the mayor or the barangay captain there will be a partisan dish all the time," sabi nito, sa ilalim ng kundisyon na hindi ipapaalam ang kanyang pangalan, dahil ito'y maaaring makaapekto sa kanyang organisasyon. "It will go to certain people first. That's the sad part about it."
 
Kinumpirma naman ng tatlong alkalde sa iba't-ibang munisipalidad at residente mula sa mahigit isang dosenang barangay na naka-ugat ang 'di patas na pamamahagi ng relief goods sa alitan ni Petilla at Yu.
 
Nakabilang ang Reuters ng tatlong pagkakataon sa Palo kung saan idinaan sa kaalyado ni Petilla ang tulong imbes na sa barangay captain. Depensa naman ni Petilla na may ilang insidente kung saan nakipagtulungan siya sa mga hindi kapitan, at ilan dito'y hindi kabilang sa kanyang partido.
 
Sa Guindapunan, kay Maximiano Pajeres at ilan pang councilors ibinigay ang tungkulin na mamahagi ng tulong sa pitong pook ng barangay. Ani Petilla, kinailangan raw ito dahil wala si Yu sa kahit anumang pagpupulong o pagkuha ng relief goods mula sa munisipyo kagaya ng ibang barangay captain.
 
"She is the one politicking," ani Petilla, ang pinuno ng isa sa pinakamakapangyarihang pamilya sa Leyte, tungkol kay Yu. "I don't know why she doesn't come to me."
 
Sabi naman ni Yu, hindi ipinaliwanag sa kanya ang plano ng munisipyo sa pamamahagi ng tulong para sa kanyang barangay at tinuon na lang ang kanyang pansin sa pamimigay ng tulong sa sarili niyang paraan.
 
Kung anuman ang katotohanan, ipinahihiwatig ng panayam sa mga residente ng Guindapunan na depende kung saan sa pitong pook ng barangay ang kanilang matatanggap na bigas at sardinas. Ang mga rasyon na ito'y dapat ibinahagi ng mga konsehal na kumikilos sa ngalan ni Yu.
 
Ang ilang residente sa Zone 3 ay 'di daw nabigyan ng 27 sako ng bigas at tatlong kahon ng sardinas na napadala sa Guindapunan mula Nob. 13 at Nob. 16, ayon sa master supply list na nakapaskil sa labas ng opisina ni Petilla.
 
'Di rin daw nila nakita ang 110 food sacks na natanggap ni konsehal Pajeres dalawang linggo pagkatapos ng Yolanda at naipamahagi ng pantay-pantay sa pitong pook.
 
"I have two zones, 3 and 4. They have received nothing from the beginning," sabi ni Yu bago naghatid ng food packs si Petilla, na pinaratangan niyang inuna ang mga taga-suporta ng Liberal Party, na naka-ugnay sa kulay dilaw, sa pamamahagi ng supplies.
 
"Only the yellow team gets the food from the mayor and her allies," sabi ni Yu. "When I give out to the barangay, it is by zone, not color." — Rie Takumi, mula sa ulat ng Reuters/JDS, GMA News