ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

New Year's Eve party sa Basilan, pinasabugan; 7, patay, 5, sugatan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pitong tao na nagdiriwang sa pagpapalit ng taon ang nasawi, habang limang iba pa ang nasugatan matapos sumabog ang isang bomba na hinihinalang inilagay sa isang kiosk sa Sumisip, Basilan Martes ng gabi.
 
Ayon kay Armed Forces of the Philippines spokesman Lt. Col. Ramon Zagala, hindi aksidente at sadyang pakay ng naglagay ng pampasabog na makapanakit.

 
"This is really an improvised explosive device (IED)," pahayag ng opisyal pero hindi pa batid kung sino at ano ang motibo sa likod ng pagpapaabog.

Sinabi ni Zagala sa panayam sa GMA News Online na dinala na ang mga nasugatang biktima sa Zamboanga City Medical Center.

Batay sa imbestigasyon, nagkakasiyahan ang mga biktima sa kiosk nang sumabog ang bomba sa residential area na may 50 metro lang ang layo sa isang cell site.

Nauna nang sinabi sa isang panayam sa dzBB radio nitong Miyerkules ng umaga ni Basilan police chief S/Supt. Mario Dapillosa, na naganap ang pagsabog sa Brgy. Tumahubong, Sumisip sa Basilan kung saan lima ang nasawi at lima ang nasugatan.

Pinaghihinalaan ng pulisya na ang grupong Abu Sayyaf ang nasa likod ng pag-atake.


Gayunman, sinabi ni Zagala na hindi natutukoy ng kung sangkot nga sa insidente ang bandidong grupo.

Hindi pa nilalabas ng pulisya ang pangalan ng mga naging biktima sa pambobomba. -- RTakumi/FRJ, GMA News

Tags: newyear2014