Lalaki sa Iloilo, napag-tripan ng mga menor de edad, patay sa suntok
Isang lalaki na napag-tripan lang umano ng mga menor de edad sa Passi City, Iloilo ang nasawi matapos pagsusuntukin. Ang isa sa mga suspek, gumamit umano ng brass knuckle.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Huwebes, sinabing lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na naglalakad lang ang biktima nang bigla siyang atakihin ng suspek kasama ang apat pang menor edad.
Nasawi ang biktima dahil sa mga sugat na tinamo sa mukha dahil may suot umanong brass knuckle ang isa sa mga suspek.
Nahuli naman ang mga kabataan at isinailalim sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development ang binatilyong gumamit ng brass knuckle.
Ibinalik naman sa pangangalaga ng mga magulang ang apat niyang kasamahan.
Pahayag umano ng mga kabataan, nakursunadahan lang nila ang biktima. -- FRJ, GMA News