ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Sobrang liwanag na headlight sa mga sasakyan, nais ipagbawal


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara de Representantes na naglalayong ipagbawal sa mga sasakyan ang paggamit ng sobrang liwanag na headlight na tinatawag na High Intensity Discharge (HID) o Xenon headlamps.

Ayon kina Bayan Muna party-list Reps. Neri Javier Colmenares at Carlos Isagani Zarate, ang naturang uri ng headlights ay pinagmumulan ng disgrasya sa kalye dahil nakakasilaw sa mga kasalubong na sasakyan.

"Many countries have prohibited or regulated the use of these headlamps precisely in response to the threat to road safety posed by its use," pahayag ni Colmenares sa inihaing House Bill No. 2616, o "An Act Prohibiting the Use of High Intensity Discharge (HID) Headlamps."

Nitong nakaraang Disyembre, isang siyam na taong gulang na babae ang naospital matapos barilin ng hindi nakilalang suspek ang sinasakyang kotse ng biktima sa Quezon City.

Ayon sa ama ng biktima na nagmamaneho ng sasakyan, nakasalubong at sinita niya ang suspek dahil sa sobrang lakas ng headlight ng sinasakyan nitong puting Hyundai sports utility vehicle (SUV).
 
Basahin: Dad of 9-year-old victim asks netizens’ help identifying road-rage shooter

Ang naturang insidente ng pamamaril ay nakunan sa closed-circuit television cameras.

Ayon kay Zarate, layunin ng kanilang panukalang batas na matugunan ang problema tungkol sa mga aksidente sa kalye dulot ng hindi pagsunod ng ilang motorista sa tamang ilaw na ginagamit sa headlight.

Batay umano sa 2008 statistics ng Department of Health (DOH), pang-apat na dahilan ng kamakatayan sa Pilipinas ang aksidente sa kalye.

"The use of these HID headlamps in vehicles, including refitting of tungsten-halogen headlamps to HID headlamps, is not in consonance with traffic safety standards," paliwanag ng kongresista.

Kadalasan din umanong nagaganap sa gabi ang mga sakuna sa kalye o madidilim na lugar kung saan kailangang gamitan ng ilaw ang sasakyan.

"The HID headlamp produces excessively bright white lights and the glare can distract drivers of approaching vehicles which may result in serious accidents endangering other vehicles and pedestrians," dagdag ni Zarate.

Sa ilalim ng panukala, pagmumultahin ng P100,000 ang mga mahuhuling nagbebenta ng mga ipinagbabawal na ilaw, habang P10,000 naman ang multa sa mga motoristang gagamit ng HID headlamp. -- RP/FRJ, GMA News