Nadiskubreng deposito ng langis sa Cebu, patuloy na pinag-aaralan
Patuloy na isasailalim sa pag-aaral ang nadiskubreng langis sa Aloguinsan, Cebu para malaman kung maaari itong magamit sa komersiyo sa Pilipinas.
Sa ulat ng GMA News TV's Balita Pilipinas Ngayon nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng video mula sa Australian company na Gas2Grid ang pagliliyab sa lugar kung saan nakita ang mina ng langis sa Malolos oil field.
Dahil dito, binigyan ng Department of Energy ng karagdagang isang taon ang kumpanya na magsagawa pa ng exploration o paghuhukay sa lugar para malaman kung mayroon pang ibang deposito ng langis.
Pag-aaralan din kung magagamit ang nadiskubreng langis para sa komersiyo.
Sa ngayon, tanging langis na mula sa Middle East ang napoproseso sa mga oil refinery sa Pilipinas, ayon sa ulat.
Kung hindi man umano magamit sa Pilipinas ang langis, maaari naman itong i-export para pagkakitaan ng gobyerno.
Sa naunang ulat, sinabing nadiskubre ang mina ng langis sa ginawang paghuhukay noong nakaraang Oktubre at Nobyembre, ayon kay DOE Undersecretary Ramon Allan Oca.
"We are happy with the discovery, but it's too premature to say if it is commercially viable. They still have to find out how big the oil reserves are," pahayag ng opisyal.
Sa pagtaya ng Gas2Grid, nasa apat na milyon bariles ng langis ang posibleng "lowest estimate" sa lugar, hanggang sa "best estimate" na 12 milyon bariles at "highest" na 42 milyong bariles. -- FRJ, GMA News