Alak na 'basi' sa halip na 'wine,' ginamit sa tradisyunal na Vin d'Honneur sa Malacañang
Kilala niyo ba kung sinong presidente ng bansa na sa halip na "wine" mula sa ibang bansa ay "basi" o alak mula sa tubo ang ginamit sa ceremonial toast sa tradisyunal na Vin d'Honneur sa Malacañang?
Sa website na Official Gazette ng Malacañang, sinabing ang Vin d’Honneur ay salitang Pranses na ang ibig sabihin, ay “wine of honor.” Una itong ginawa sa Pilipinas noong panahon ng pananakop ng mga Amerikano, at pinangungunahan ng Governors-General.
Kung ngayon ay kadalasang isinagawa ang Vin d'Honneur sa ikalawang linggo ng Enero, noon ay isinasagawa ito sa unang araw ng Enero, kung saan iniimbitahan sa Palasyo ang mga dignitaryo at bahagi ng pagtitipon ang "toast" ng "wine."
Pero noong panahon ng pamamahala ni dating Pangulong Ramon Magsaysay Jr., sa halip na alak mula sa ibang bansa ang gamitin sa "toast," basi o alak na mula sa tubo ang kaniyang inihanda sa mga bisita. -- FRJimenez, GMA News