ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mga Pinoy sa Thailand, pinaiiwas na magsuot ng damit na kulay pula at dilaw


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Pinayuhan ng embahada ng Pilipinas sa Bangkok ang mga Pilipino na nandoon na iwasang magsuot ng damit na kulay dilaw at pula bunga ng patuloy na pagtaas ng tensiyong pulitikal sa Thailand.

Sa inilabas na paalala ng Philippine Embassy sa Bangkok kaugnay ng sitwasyon sa Thailand, pinayuhan din ang mga Pinoy doon na huwag magtungo sa mga matataong lugar at may mga demonstrasyon.

"Participating and/or showing support in any form to any of the parties is strongly discouraged.  For information, the red and yellow colors are closely identified with some of the parties involved," paalala ng embahada.

Idinagdag na dapat iwasan ang lugar na may mga malalaking pagtitipon dahil na rin sa mga nagaganap na karahasan at may mga nasasaktan.

Bagaman normal umano ang operasyon ng mga pampublikong transportasyon gaya ng Sky-train, MRT, taxis, at motorbikes, asahan naman daw ang mabigat na daloy ng trapiko sa Bangkok.

"Bangkok’s international airport (Suvarnabhumi) and Don Mueang Airport for domestic flights remain operational," dagdag pa ng embahada.

Nilinaw daw sa paalala na maaaring magpabago ang sitwasyon sa mga lugar na dapat iwasan, "given the fluidity of the situation."

"Everyone is, therefore, advised to continue being vigilant and to closely monitor developments," patuloy nito.

Sa oras ng emergency, maaaring magtungo ang mga Pinoy sa embahada sa No. 760 Sukhumvit Road, Soi 30/1 Bangkok 10110, Thailand. Maaari ring tumawag sa Hotline: (08) 992-65954, Trunkline:  (02) 259-0139 up to 40, loc. 113 to 115, o  mag-email: bangkok.pe@dfa.gov.ph or bangkokpe@gmail.com

Sa patuloy na pag-init ng usaping pulitikal sa Thailand, plano ng anti-government forces na  "i-shut down" ang Bangkok sa Enero 13.

Nais ng mga nagpoprotesta na alisin sa puwesto si Prime Minister Yingluck Shinawatra at maglagay ng mga bagong lider sa pamamagitan ng tinatawag nilang "people's coup." — FRJ, GMA News