Padalang diamond ring, nawala sa post office ng Paombong, Bulacan
Iniimbestigahan ngayon ang pagkawala ng isang diamond ring na ipinagkatiwala sa post office sa Paombong, Bulacan. Ang mga empleyado ng post office, hindi malaman kung sino ang kumuha sa alahas.
Sa exclusive report ng GMA news "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing ang diamond ring ay pagmamay-ari ni Rebecca Nabong, na padala ng isa niyang kaibigan mula sa Amerika.
Naisuot pa niya ang singsing nang dumating sa bansa at nasuri ng Bureau of Customs. Pero hindi niya naiuwi ang alahas dahil may kinakailangan pa siyang bayaran sa BoC.
Nagkakahalaga raw ang singsing ng $1,200 o katumbas ng mahigit P53,000. Aabot daw sa P27,000 ang kailangan pang bayaran ni Nabong para sa naturang singsing.
Dahil dito, ipinagkatiwala muna ng BOC ang singsing sa post office ng Paombong, Bulacan kung saan residente si Nabong.
Pero noong nakaraang Miyerkules, laking gulat ni Nabong nang ipaalam sa kanya ng post office na nawawala ang kanyang singsing.
Ayon sa post master, itinabi niya ang diamond ring sa steel cabinet ng kanilang opisina noong hapon ng Enero 7. Sabay-sabay din umano silang mga empleyadong umalis sa opisina bago ito ikinandado ng isang tauhan.
Kaagad daw nakipag-ugnayan sa mga pulis ang Paombong post office nang madiskubre na nawawala na ang singsing.
Bukod sa Paombong police, nagsasagawa na rin umano ng imbestigasyon ang Philpost-Manila office sa naturang insidente. -- FRJ, GMA News